CAMP AGUINALDO---Halos hindi gumalaw ang bagyong Egay sa loob ng nakalipas na anim na oras.
Sa kanilang pang-5 na forecast, inaasahan pa rin ng Pagasa na magiging katamtaman hanggang mabigat ang pag-ulan sa loob ng 400 kilometrong lapad ng Bagyong Egay.
Tinatayang lalabas ng kalupaan ng Cagayan ang Bagyong Egay sa mamayang gabi at tuluyang lalabas ng bansa sa Miyekules ng hapon.
Dahil dito pinapayuhan ang mga mangingisda at nagpapatakbo ng malilit na sasakyang pandagat sa Luzon at Kabisayaan na huwag munang pumalaot
Pinapayuhan din ang mga kababayang naninirahan sa mga bulubunduking at mababang lugar sa mga lalawigan ng Public Storm Warning Signal (PSWS) No. 1 at PSWS No. 2 kasama na ang Metro Manila, MIMAROPA, CALABARZON at ang nalalabing bahagi ng Hilaga at Sentral Luzon na mag-ingat sa posibleng pagguho ng lupa at pagbaha.
Posible ring magkaroon ng daluyong o storm surges at mga alon na may 2 metro ang taas sa mga baybayin ng Isabela at Cagayan
Huling namataan ang bagyong Egay kaninang alas-4 ng umaga batay sa Aparri Doppler radar at iba pang data sa dako ng Divilacan, Isabela.
Taglay ni Egay ang lakas ng ng hangin na 95 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugso ng hanggin nang hanggan 120 kilometro bawat oras.
Inaasahan ng Pagasa na kikilos ang bagyong Egay pa-Hilagang-Kanluran sa bilis na 7 kilometro bawat oras.
Nakataas ang PSWS No. 2 sa Kalinga, Apayao,Isabela, Quirino, Northern Aurora, Cagayan kasama ang mga grupo ng mga isla ng Babuyan at Calayan.
Ang mga nabanggit na lalawigan sa ilalim ng PSWS No. 2 ay inaasahang makakaranas ng 61-120 kilometro bawat oras na lakas ng hangin sa loob ng 24 oras mula nang ilabas ang pang-alas-5 forecast ng Pagasa.
PSWS No. 1 naman ang umiiral sa nalalabing bahagi ng Aurora, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Ifugao, Benguet, Mountain Province, Ilocos Sur, Abra, Ilocos Norte at Batanes.
Ang mga lalawigan sa ilalim ng PSWS No. 1 ay inaasahang magkakaranas nang 30-60 kilometro bawat oras ng lakas ng hangin sa loob sa susunod na 36 oras mula nang inilabas ang pang-alas-5 ng umaga ng forecast ng Pagasa. (Lyndon Plantilla)