Lunes, Disyembre 18, 2017

DOST-Pagasa: kahit malayo na si Urduya, iwasan muna ang kanlurang baybayin ng Palawan


Ipinapakita ni DOST-Pagasa Weather Specialist Chris Perez ang kanlurang baybayin ng Palawan na napakaalon pa rin kahit pa nakalabas na ng PAR ang bagyong Urduja. (DOST-Pagasa)


LUNSOD QUEZON, Ika-19 ng Disyembre  (PIA) --- Nakalabas na ang Bagyong Urduja sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Kaninang ika-10 ng umaga, namataan ng DOST-Pagasa ang mata ng bagyo batay sa lahat ng kanilang datos sa layong 430 kilometro kanluran ng Puerto Princesa City.

Nagtataglay pa rin ang Bagyong Urduja na lakas ng hangin na 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso nang hanggang 60 kilometro bawat oras.

Pakanluran ang direksyong tinatahak ngayon ng Bagyong Urduja sa bilis na 18 kilometro bawat oras.


Gayumpaman, nagbabala ang  DOST-Pagasa na mapanganib pumalaot sa kanlurang baybayin ng Palawan dahil pa rin sa pagdaloy ng Hanging Amihan na siyang nagpapaalon sa lugar.

"Inaasahang paring magiging maalon hanggang sa napakaalon nitong western seaboard ng Palawan,"ayon kay Chris Perez, senior weather specialist ng DOST-Pagasa.

Ang tinatayang taas ng alon sa kanlurang baybayin ng Palawan ay maaring umabot sa halos apat at kalahating metro. #




Martes, Disyembre 12, 2017

DOST-Pagasa, binabantayan ang pagkilos ng bagyong Urduja

Makikita sa larawan mula sa video ng DOST Pagasa si Senior Weather Specialist Chris Perez habang ipinapaliwanag ang mga lugar na posibleng daanan ng Bagyong Urduja

Tinataya ng DOST-Pagasa na tatama sa lupa ang Tropical Depression Urduja sa dako ng Kabikulan at ng Silangan Kabisayaan ngayong Sabado.

Kahit nasa dako pa ng Dagat Pasipiko, maagang nagpasabi ang weather bureau sa mga  local disaster risk reduction and management office ng mga lokal na pamahalaan sa mga nasabing lugar na maghanda at gawin ang mga  kaukulang hakbangin.

Ayon pa kay Senior Weather Specialist Chris Perez, maaring  din tawirin ni Urduja ang ilang bahagi ng Katimugang Luzon batay sa kanilang forecasted track.

Kaninang ika- 3 ng umaga,  tinataya  ng DOST Pagasa ang bagyong Urduja batay sa lahat ng nakalap nilang datos sa layong 455 kilometro silangan ng  Surigao City, Surigao del Norte o  750 kilometro silangan timog silangan ng  Legazpi city, Albay.

Taglay ni Urduja ang malakas na hangin na hanggang 55 kilometro bawat oras at pagbugso na hanggang 65 kilometro bawat oras.

Tinatayang kikilos si Urduya pa-hilaga-hilagang kanlurang direksyon sa bilis na 7 kilometro bawat oras

Wala pang babala ng bagyo ngunit sinabi ni Perez na maaring magkaroon mamaya o sa mga susunod na araw.

Samantala, sinabi ni Perez na may epekto pa rin ang Hanging Amihan sa Hilaga't Gitnang Luzon at ang Tail end of a cold front naman sa dako ng kabikulan at Quezon Province.

Pinapayuhan din ni Perez ang mga mangingisda at mga gumagamit ng maliliit na bangka o sasakyang pandagat na umiwas mula sa mga baybaying nakapaligid sa Hilagang Luzon, ang silangang baybayin ng Gitna at Katimugang Luzon pati na rin sa silangan baybayin ng Kabisayaan kung saan pinaiiral ang gale warning.

Inaasahang maalon hanggang sa napakaalon ang karagatan sa mga nasabing lugar na may taas na maaring umabot sa halos tatlo hanggang apat na metro. #

Miyerkules, ika-13 ng Disyembre 2017