Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Northern Hemisphere Trade Winds. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Northern Hemisphere Trade Winds. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Hulyo 6, 2011

Pamahalaan ng Pilipinas, dibdiban ang pagpapalago ng mga negosyo

Hinikayat ng pamahalaan ang mga mamamayan na magnegosyo sa halip na mamasukan.

Kung mapapalago ang mga negosyong bulilit, lalaki din ang mga oportunidad sa trabaho sa bansa.

“Maraming tayong programa dyan, isa na rito ang SME (Small and Medium Enterprises)Caravan…iniikot natin sa bansa yan at nagbibigay tayo ng libreng seminar,”ayon kay ni Trade and Industry Secretary Gregory Domingo, “tinuturuan natin kung paano magnegosyo, kung ano ang inenegosyo at mayroon pang technical skills training.

Kaya sa pagbubukas ng SME Week, panawagan ni Secretary Domingo sa madla ay lumahok sa mga libreng enterpreneurship briefing sessions sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Sa mga taga-Mega Manila, maaring magsadya sa Philippine Trade Training Center sa Biernes at sa Sabado para sa maghapong pakikiniig at panonood ng mga talakayan.

Ang skedyul sa biernes mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali: (1) paano mag-negosyo; (2) ang pagpapaliwanag sa Barangay Micro Business Enterprises (BMBE) Law; (3) Product Standards Law (o mga pamantayan sa produkto); (4) karapatan at proteksyon sa mamimili; (5) paano makakakuha ng Food and Drug Authority Certificate; (6) Paano magagamit ang internet sa pagnenegosyo; (7) paano magtatayo ng laundry business o pagnenegosyo sa pamamagitan ng paglalaba;(8) paggawa ng pabango; (9) paggawa ng herbal soap; (10) meat processing o paggawa ng tosino, longganisa at luncheon meat; at (11) paggawa ng mga kwintas at iba pang accessories gamit ang beads.

Pagdating ng hapon, ang mga sumusunod naman ang mga pag-uusapan mula ala-una hanggang alas-5 ng hapon : (1) integrated business licensing;(2) seminar sa Halal certification o pagsesertipika ng mga produktong Halal; (3) cleaner production; (4) packaging design at labeling; (5) product design awareness;(6) pagrerehistro ng patents, trademarks and trade names; (7) laundry and cleaning aids; (8) paggawa ng siomai at iba pang meat processing products; at (9) gift-wrapping.

Bukod sa mga nabanggit na paksa, tatalakayin din buong maghapon ang paghilot at kung ano ang mga hakbang para makinabang nang husto sa paghihilot.

Sabado, ika-9 ng Hulyo, ang maghapong pag-uusapan sa briefing session ay ang basic photography at flips-flops (sandals) making.

Naka-iskedyul din sa umaga mula alas-8 hanggang alas-12 ng tanghali, ang mga sumusunod: (1) pagpapatakbo ng money-changing shop; (2) mga programa sa pag-pagpopondo at pagpapautang para sa negosyo; (3) paano magsimula ng negosyo; (4) food safety o pagtiyak ng kalinisan sa pagkain at kaligtasan ng mamimili; (5) paggawa ng siopao at dimsum; (6) paggawa ng mga cakes na hindi na kailangan lutuin (No-Bake); at (7) paggawa ng polvoron at pastillas.

Sa hapon, pag-uusapan naman ay ang mga sumusunod: (1) pagbili ng prankisa (o negosyong pinaprankisa gaya ng mga fastfood); (2) pagpapa-upa ng apartment o puwesto; (3) paggawa ng pabango; (4) paggawa ng mga produktong gamit ang bead; (5) mga cleaning aid; (pag-aayos o arrangement ng bulaklak at lobo); at (6) paggawa ng empanada at pizza roll.

Maaring magbago ang skedyul, kaya pinapayuhan ang lahat ng mga interesadong matuto sa briefing session na tumawag sa DTI-Bureau of Micro, Small & Medium Enterprise Development (DTI-BMSMED) sa numerong 897-1693 at 751-5076.

Bago ang mga briefing session, magkakaroon muna ng SME Summit sa Huwebes kung saan ang ‘mga small and medium enterprises ay magpupulong-pulong para makagawa ng plano at makita kung saan pa ang mga kinakailangan’.

kabilang sa pag-uusapan sa SME Summit ay ang SME Development Plan mula taong 2011 hanggang 2016.

Hinggil naman sa One Town, One Product (OTOP) program, tiniyak ni Secretary Domingo na palaban ang mga pangunahing produkto ng bawat lalawigan.

Inihalimbawa ng kalihim ang banig.

Marami ngang gumagawa ng banig, pero sabi ni Secretary Domingo na malilito ang mga mamimili sa dami ng disensyong pagpipilian.

Anang kalihim, maraming banig ang pwedeng isabit sa dingding tulad ng painting.

Ang konsepto ng OTOP ay kamukha ng programang ipinatupad sa Thailand kung saan nangapital ang pamahalaan para palawakin ang mga negosyo sa iba’t ibang rehiyon ng monarkiyang bansa.

Para sa karagdagan impormasyon sa pagnenegosyo, panoorin ang talakayan nina Secretary Domingo at Albay Governor Joey Salceda sa "Pilipinas Natin" (Pindutin ang kuneksyong ito: http://bit.ly/q5T5Pl ).

Reference:
Lyndon Plantilla, 09212745592
Philippine Information Agency
opspia2004@yahoo.com

Linggo, Hunyo 19, 2011

ITCZ, pinalubog sa baha ang ilang bayan sa ARMM at Mindanao

Nagdulot ng baha ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) matapos magpakawala ng napakaraming tubig sa ilang lalawigan sa Mindanao at sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Nabubuo ang ITCZ kapag nagsalubong ang Northern Hemisphere Trade Winds (hanging mula Hilagang-Silangan) at Southern Hemisphere (hanging mula Timog-Silangan) Trade Winds (tingnan ang http://bit.ly/lRBnd8).

Ang trade winds ay hango sa mga hanging (hanging umiihip mula silangang hanggan kanluran) ginagamit na puwersa sa paglalayag ng mga sinaunang marino (tingnan ang http://bit.ly/mMmzMq).

Sa rehiyon kung saan umiiral ang ITCZ, nagkakaroon ng maulap na papawirin, manaka-nakang pagkulot at pagkidlat, pag-ulan at pag-ihip ng hangin mula katamtaman hanggang malakas (tingnan table sa http://bit.ly/lRBnd8).

Bukod sa ARMM, apektado rin sa baha ang Region X, Region XI at Region XII kasunod nang walang humpay na pag-ulan sa pagitan ng huling linggo ng Mayo at unang linggo ng Hunyo.

Sa mga situationer report ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaninang umaga, mahigit sa siyam na raan at anim na pung libong katao ang naapektuhan at mahigit sa walong libong pamilya ang pinalipat sa mga evacuation center.

Pitumput-isang bahay ang ganap na nawasak samantalang tatlong daan at tatlumput isang iba pa ang bahagyang napinsala.

Sa Region XII, nakabukas pa rin ang may 40 evacuation center kung naroroon ang halos walong libong pamilya.

Mahigit naman sa 55,000 na pamilya ang pansamantalang pumisan sa mga tahanan ng kanilang mga kamag-anak o kaibigan sa iba’t-ibang lugar.

Sa Pikit, North Cotabato, mahigit sa dalawang libo at dalawang daang bahay ang lubog sa baha at tatlumput anim naman sa Lambayong, Sultan Kudarat.

Sa Region XII, umabot halos ng pitong milyong piso ang halaga ng relief assistance na ipinagkaloob ng DSWD at ng mga lokal na pamahalaan.

Naglaan naman ang DSWD National Resource Operation Center (NROC) ng halos pitong daan libong pisong halaga ng mga t-shirt, pantalon, jacket, kumot, kobre-kama, comporter at iba pang non-food items para sa Region XII at maging sa ARMM.

Dalawang milyong pisong karagdagang pondo naman ang inilaan ng kagawaran para ipambili ng relief goods para sa mga binaha sa Maguindanao at sa Lanao del Sur.

Sa DSWD (nasyunal at lokal) pa lang, aabot na sa mahigit sa walong milyong piso na ang kabuuang halaga ng assistance na ipinagkaloob sa mga biktima ng baha.

Halos labing dalawang milyong piso ang halaga ng mga tulong na ipagkaloob ng pamahalaang lokal, pamahalaang nasyunal (kabilang na ang DSWD) at maging ng mga kabalikat na non-government organization.

Hinggil naman sa epekto ng pagdaan ng Bagyong Egay sa Kabikulan, iniulat ng DSWD na pinayagan kahapon ng mga awtoridad sa Albay, Catanduanes, Masbate at Sorsogon ang lahat ng mga biyahe sa karagatan.

Tanging ang may labing walong pasahero na lang papuntang San Pascual, Masbate na nananatiling stranded sa Pasacao Port sa Camarines Sur.

Namigay naman ang DSWD Region V ng limang daang family packs (na nagkakahalaga ng Php125,000) sa mga pasaherong nai-stranded sa Pilar, Sorsogon.

Wala naman naiulat na bahay o ari-ariang nasira.

Mahigit sa Php37-Million ang halaga ng standby funds na itinabi at relief goods na pinusisyon ng DSWD sa kanilang mga field office sa Region 1, Region 2, Region V at CAR bilang pangsuporta sa mga maapektuhan ng Bagyong Egay.