Martes, Oktubre 31, 2017

DOST-Pagasa: Bagyong Ramil magpapaulan ngayong maghapon at bukas sa napakaraming bahagi ng bansa.




Magdala ng payong, kapote o kaya bota bago pumunta sa sementeryo.

Patuloy ang babala ng DOST-Pagasa sa mga kababayan sa Northern Palawan, Calamian Group of Islands, Southern Occidental Mindoro, Southern Oriental Mindoro, Aklan at Antique na maghanda sa Bagyong Ramil.


Nangangahulugan din ito na pagbabawalan ng mga substation ng Philippine Coast Guard na pumalaot ang lahat ng uri ng sasakyang pandagat sa lahat ng mga pantalan ng mga lalawigang kung saan pinaiiral ang TCWS No. 1.

Ayon kay Elvie Tan Enriquez ng DOST-Pagasa, maaring lumikha ang Hanging Amihan malalaking alon sa mga baybayin ng Hilagang Luzon, silangang baybayin ng Sentral at Katimugan Luzon kaya hinihikayat nila ang mga mangingisda, mandaragat at mga byahero na ipagpaliban ang pagpalaot.


(Sa video grab na ito, makikita si Senior Weather Specialist Chris Perez na itinuturo ang mga lugar na mapanganib sa paglalayag dahil sa Bagyong Ramil)

Ang Bagyong Ramil ay ang dating low pressure area na lumakas at naging isang tropical depression.
Ipinaliwanag ni Bb. Tan  na pinalalakas ng Hanging Amihan ang Bagyong Ramil na may katamtaman hanggang manaka-nakang malakas na pag-ulan sa loob ng 200 kilometrong lapad nito.

Sa briefing kaninang ika-11 ng umaga, inulat ni Senior Weather Specialist Chris Perez na ang bagyong Ramil huling namataan sa layong 85 kilometro timog-silangan-timog  ng Coron, Palawan.

Taglay ng Bagyong Ramil ang lakas ng hangin na 45 kilometro bawat oras na malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 60 kilometro bawat oras.

Inaasahan ng DOST-Pagasa na  kikilos ang Bagyong Ramil pakanluran sa bilis  na 20 kilometro bawat oras at tatawid  sa Calamian Group of Islands o Hilagang Palawan ngayong araw na ito.

Pinag-iingat din ang mga kababayan na naninirahan sa iba pang bahagi ng Mimaropa, Kabikulan, Metro Manila at Calabarzon sa mga biglaang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa  malakas na pag-ulan dala pa ring Hanging Amihan.#

Unang araw ng Nobyembre, 2017

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento