Miyerkules, Enero 10, 2018

DOH-Mimaropa: panahon na para palakasin ang MAP

KUWENTUHAN, GAMUTAN. Kinakausap ni DOH-Mimaropa Regional Director Eduardo C. Janairo ang kamag-anak ng isa sa mga pasyente dumalo sa isang okasyon ng DOH-Mimaropa sa Marinduque. (larawan mula sa DOH-Mimaropa)




Hinihikayat ngayon ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) ang pamahalaan na palakasin ang kanilang Medical Assistance Program (MAP). 

Ayon kay DOH-Mimaropa Regional Director Eduardo C. Janairo, kailangan isang kawanihan (bureau) na ang magpapatupad sa MAP gamit ang isang pinag-isa at pinag-pantay na sistema ng paghahatid serbisyo para sa mga maralitang pasyente.

Ginawa ni Director Janairo ang pahayag sa harap ng mga delegado ng  2017 Re-Orientation on DOH-MAP for Luzon Cluster sa Puerto Princesa City, Palawan.

Nilikha ang MAP  para pondohan ang mga maralitang pasyente na nangangailangan ng medical examination, konsultasyon, pangagamot at rehabilitasyon.

Ang MAP ay maaring magamit sa lahat ng pampublikong pagamutan at sa ilang piling  pribadong healthcare facility na aprobado sa DOH.

Umabot sa 28,736 ang bilang ng mga kababayang nakinabang sa MAP ng DOH-Mimaropa mula ika-1 ng Enero hanggang ika-30 ng Nobyembre 2017: 20,624 ay mula sa Palawan; 4,774 sa Oriental Mindoro; 3,186 sa Occidental Mindoro; at 152 sa Marinduque.

Halos umabot sa Php 92,779,584.45 ang binayarang gastushin sa ospital (hospital bills) ng  MAP ng DOH-Mimaropa at ng mga congressional allocation (pondong inilaan ng mga kongresista't senador).

Bukod sa DOH,  sinabi ni Director Janairo na may iba pang pondong napagkukunan para sa MAP gaya ng  Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at pati yung mga pondong nagmumula sa mga kongresista, senador  at lokal na pamahalaan.

Ayon kay Director Janairo, iniluluwas at pinatutuloy nila sa regional office sa Quezon City ang mga maralitang kababayan na nangangailangan ng espesyal na panggagamot hanggang sa araw ng kanilang pagpapagamot.

Sagot ng Regional Office ang mga batayang pangangailangan ng mga maralitang pasyente habang nananatili sa tanggapan  kabilang dito ang sasakyan gagamitin sa paghatid at pagsundo sa ospital.

May mga tauhan ng DOH ang naka-alalay sa mga pasyenteng walang kasama sa pagluwas: sila ang tutulong  sa mga pasyente papunta at pabalik sa ospital hanggang sa makauwi sila sa kanilang mga tahanan matapos ang gamutan. #

10 Enero 2018

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento