Miyerkules, Nobyembre 21, 2018
DOST-Pagasa: Palawan tatawirin ni Samuel
Inaantay na lang ng mga taga-Palawan ang pagdating ng bagyong Samuel.
Ayon kay Loriedin De la Cruz, DOST-Pagasa weather specialist, mas kritikal ang Palawan dahil dadaanan ito ng sentro ng bagyo na nakarating na sa Sulu Sea at papunta sa dako ng Cuyo.
Sa press briefing kaninang hapon, iniulat ng DOST-Pagasa na ang katamtaman hanggang napakalakas ang pag-ulan sa Palawan kabilang ang mga isla ng Cuyo at Calamianes, Aurora, Quezon, Mindoro Provinces, isla ng Panay at Guimaras ay maaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga mababa at bulubunduking lugar at maging sa mga naninirahan malapit sa mga ilog.
Batay sa lahat ng datos, huling namataan kaninang ika-3 ng hapon ang mata ng bagyong Samuel sa layong 65 kilometro timog-timog-silangan ng Cuyo, Palawan.
Taglay ni Samuel ang pinakamalakas na hangin na 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugso nang hanggang 65 kilometro bawat oras.
Sa ngayon, kumikilos ang bagyong Samuel sa direksyon kanluran-timog-kanluran sa bilis na 30 kilometro bawat oras.
Una rito, hinakayat ni Office of Civil Defense Mimaropa Regional Director Eugene Cabrera sa mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng pre-emptive evacuation sa mga lugar na lantad sa panganib.
Kaninang hapon, ipinag-utos ni El Nido, Palawan Mayor Nieves Rosento ang pre-emptive evacuation sa kanilang mga kapitan ng barangay kung kinakailangan at siguruhin ang kanilang pagkain at iba pang pangangailangan.
Kinansela din ni Rosento ang lahat ng mga inland at island tours ngayong Miyerkules kabilang ang pagbisita sa Nacpan Beach, Duli Beach, Bulalacao Water falls, Nagkalitkalit Waterfalls at Bundok Mansilawit.
Dahil dito, sinuspinde ng ilang mga lokal na pamahalaan sa Oriental Mindoro tulad ng Pinamalayan at Mansalay ang pasok hanggang elementarya ngayong hapon.
Pero suspindido na ang pasok sa pre-school at kindergarten sa buong Southern Oriental Mindoro at Southern Occidental Mindoro alinsunod sa mga patakaran ng DepED tuwing may bagyo.
Sa Palawan, sinuspinde ang pasok sa lahat ng level ng paaralan sa El Nido, Culion, Agutaya, Dumaran, Magsaysay, San Vicente, Cuyo Island, Cagayancillo at Coron.
Hanggang highschool ang suspindido ang klase sa Araceli, Roxas, Linapacan, Busuanga at Taytay.
Pinairal din ng Puerto Princesa City at ng mga bayan ng Quezon at Balabac ang suspension ng pasok sa pres-school at kindergarten.
Sa Romblon, ang bayan ng Calatrava ang tanging nagsuspinde ng pasok sa lahat ng antas ng paaralan samantala ang mga bayan ng Romblon at San Agustin ay nagsuspinde ng pasok hanggan sa highschool lamang.
Hanggang elementary naman ang suspension ng klase sa bayan ng Cajidiocan.
Ang mga lugar na nasa ilalim ng TCWS No. 1, ay awtomatikong suspendido ang pasok sa kindergarten at pre-school, pampubliko man o pribado, alinsunod sa DepEd Order No. 43 Series of 2012.
Kapag umakyat sa TCWS No. 2 ang babala, suspindido naman ang pasok hanggang elementarya.
Wala na ring pasok sa lahat ng antas ng paaralan kabilang ang graduate school kung itataas ng DOST-Pagasa ang babala ng bagyo sa Signal No. 3 o higit pa.
Kung walang babala ng bagyo ngunit masama ang lagay ng panahon sa isang lugar, maaaring magdeklara ng suspension ng klase ang lokal na pamahalaan nito.
Bukas, dakong ika-2 ng hapon, tinataya ng DOST-Pagasa ang lokasyon ng bagyong Samuel ay nasa layong 255 kilometro kanluran-hilagang-kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan. #
Mga etiketa:
#EmpoweringCommunities,
#Palawan,
#ResiliencePH,
#SamuelPH
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento