Linggo, Hunyo 19, 2011

Egay bumibilis, papalabas ng bansa

Bumilis ang Bagyong Egay papuntang dulong Hilagang Cagayan sa direksyon ng Batanes at Calayan.

Huling namataan sa layong 140 kilometro Silangan ng Aparri Cagayan kaninang alas kuwatro ng hapon, kumikilos si Egay sa bilis na 19 kilometro bawat oras mula sa dating 17 kilometro bawat oras.

Hindi nagbabago ang lakas ng hangin ni Egay, 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna.

Kung magtutuloy-tuloy ang pagkilos ni Egay, sinabi ng PAGASA na posibleng hindi na ito lumagpak sa lupa o mag-landfall at diretsong lumabas ng bansa.

Gayumpaman, nagpayo pa rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga naninirahan sa mababa at bulubunduking lugar sa Isabela, Cagayan, Calayan Islands, Batanes Islands, Apayao at Ilocos Norte na mag-ingat sa baha at sa pagtabag o pagguho ng lupa.

Nakataas pa rin sa mga nasabing lugar ang babala ng bagyo bilang isa.

Dahil sa paghatak ni Egay, malakas pa rin ang Hanging Habagat na siyang magpapaulan sa nalalabing bahagi ng Luzon at Kabisayaan.

Sa Mindanao, ang Inter-tropical convergence zone ang maghahatid ng ulan.

Dagdagan po ang ingat lalo na sa mga binabahang lugar gaya ng Cotabato City.

Pinapayuhan ng PAGASA ang mga mangingisda at mga nagmamay-ari ng mga bangka at maliliit na sasakyang pandagat sa kanlurang baybayin ng Luzon at Bisayas at maging sa silangan baybayin ng Timog - Luzon na ipagpaliban ang pagpalaot dahil sa inaasahang malalakas na alon .

Bukas ng umaga, inaasahan ng PAGASA na nasa layong 200 kilometro kanluran ng Basco, Batanes ang Bagyong Egay.

Antabayan mamaya sa radyo, TV at maging sa WEATHER WATCH ng Philippine Information Agency sa Facebook para sa mga balita sa bagyo.

Alas-onse ng gabi ang susunod na update ng PAGASA: maaring makita sa website nilang weather.gov.ph at maging sa website ng NDRRMC (ndrrmc.gov.ph o ndcc.gov.ph).

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento