Yayao na si Egay!
Sa pagtaya ng PAGASA, masusumpungan ang Bagyong Egay sa layong 370 kilometro Hilagang Kanluran ng Aparri at Cagayan mamayang hapon.
Mas mabilis ngayon si Egay kumpara kagabi: mula sa dating 19 kilometro bawat oras, ngayon ay 20 kilometro bawat oras pa-kanluran-hilagang-kanluran direksyon.
Hindi nagbago ang lakas ng kanyang hangin, 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna.
Kahit papaalis na si Egay, nakataas pa rin ang public storm signal number 1 sa Hilagang Cagayan, sa mga isla ng Babuyan, Batanes at Calayan, Apayao at Ilocos Norte.
Gaya ng dati, pinapayuhan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga residente sa mga nasabing lugar na mag-ingat lalo na yung mga nasa mabababa at bulubunduking lugar.
Kung palaging baha sa inyong lugar, panahon na sigurong pag-isipan ang paglipat ng tirahan sa mga mas matataas na lugar.
Sa mga nangisngisda at bumibiyahe sa kanlurang baybayin ng Luzon at Bisayas at maging sa silangan baybayin ng Luzon, kung maliliit ang inyong mga bangka, sa ibang araw na kayo pumalaot.
Sa taya ng PAGASA, magiging maulan at malalaki ang mga alon dun kaya kahit pati ang mga malalaking sasakyang pang-dagat ay pinapayuhang ng pag-ibayuhin ang pag-iingat.
Balitang-balita ang sinasabing papasok na bagong low pressure area na maaring maging malakas na bagyo.
Sa halip na mag-alala, maghanda: mag-imbak ng sapat na pagkain, baterya sa ilaw at radyo at pagtibayin ang bahay kung may panahon pa.
Para sa pinakahuling balita sa bagyo, silipin ang weather.gov.ph ng PAGASA, ang ndrrmc.gov.ph ng NDRRMC at pati ang Weather Watch account ng Philippine Information Agency sa Facebook.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento