Linggo, Hunyo 19, 2011

Mga ayaw mag-waste segregation, pagmumultahin ng pamahalaan

May mga ginagawang hakbang ang pamahalaan para mapwersa ang bawat tahanan na matutunan ang waste segregation.

Sa pang-Biernes na edisyon ng PIA Communication and News Exchange Forum, tiniyak ni Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje na seryoso ang pamahalaan sa pagpapatupad ng Solid Waste Management Act.

Anya, nagsisimula sa bahay ang waste segregation o paghihiwalay ng mga nabubulok sa hindi nabubulok na basura.

“Dapat i-manage ang basura, hindi ni Mayor, Hindi ni Vice Mayor o ni Kapitan,”sabi ni Secretary Paje, “bago pa lang ilabas ng bahay, dapat segregated (hiwa-hiwalay) na.”

Kung tutuusin, paliwanag ni Secretary Paje, sa waste segregation pa lang ay mababawasan na ang basura.

Yung mga nabubulok na basura ay pwedeng tipunin para gawing pataba; yung mga hindi na bubulok ngunit pwede pang gamitin tulad ng bote, garapa at dyaryo ay pwedeng pagkakitaan.

Sa kabila nito, aminado ang kalihim na mahirap pasunurin ang mga tahanan sa waste segregation na ipinag-uutos ng batas.

Ito ang dahilan kaya nakipag-kasundo ang Department of Environment and Natural Resources sa mga lokal na pamahalaan lalo na sa Metro Manila para umaksyon at pumilit sa mga mamamayan na mag-waste segregation.

Ayon kay Secretary Paje, lahat ng mga kontratista sa pagkuha ng basura ay pagmumultahin ng kalahating milyong piso sa sandaling matuklasan na tumatanggap ang mga ito ng magkakahalong basura.

Dahil sa napakabigat na multa, naniniwala ang kalihim magiging maselan ang mga kulektor sa mga basurang manggagaling sa mga kabahayan.

Kung mayroong pa ring magmamatigas at ayaw mag-segregate ng basura, sinabi ni Secretary Paje na mangangamoy ang mga bahay ng mga ganitong pasaway.

Para sa karagdagang paliwanag ni Secretary Paje, panoorin siya sa http://bit.ly/lGBtAT  at http://bit.ly/j4MXQU.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento