Martes, Hunyo 21, 2011

May problema sa PhilHealth? Sumugod sa PhilHealth Sabado 2

Kung ikaw ay sundalo at retirado sa edad singkwenta'y sais, makikinabang ka ba sa PhilHealth?

Pwede, sabi Philippine Health Insurance Corporation President at Chief Executive Officer Rey Aquino kaninang umaga sa pang-Martes na edisyon ng PIA Communication and News Exchange Forum/Talking Points.

Basta't nakapaghulog o may isang daan at dalawampung kontribusyon na sa PhilHealth ay walang dapat ikabahala ang sundalong retirado, dagdag paliwanag ni Dr. Aquino.

Mas maaga ng siyam na taon ang pagreretiro ng mga nasa military service kumpara sa karaniwang manggagawa sa pamahalaan at sa puntong ito nagkakaroon ng kalituhan minsan sa sandaling maghabol ng benipisyo ang mga retiradong kawal.

Kung may mga miyembrong namumublema sa paggamit ng PhilHealth, pinapayuhan sila ni Dr. Aquino na lumahok sa PhilHealth Sabado 2 ngayong June 25 sa ilang mga piling paaralan.

Noong isang taon unang idinaos ang PhilHealth Sabado na naglalayong sakupin maging ang mga mamamayan sa informal sector na may kakayahang makapaglaan ng pondo para sa pangangailaga ng kalusugan.

Kabilang sa mga ito ay ang mga mangingisda, drayber ng dyip, tindera't tindero sa palengke o mga self-employed individuals pati mga propesyunal gaya ng doktor at abugado na may private practice o hindi namamasukan.

Bakit pati doktor at abugado? Naniniwala si Dr. Aquino na darating ang panahon na mangangailangan din ang mga propesyunal ng tulong mula sa PhilHealth.

Sa huling bilang ng PhilHealth, mahigit sa apat na milyong informal sector workers ang nakarehistro sa ngayon.

Kung pagbabatayan ang census ng National Statistics Office noong 2008, mahigit sa sampung milyong katao sa informal sector ang may kapasidad na magbayad ng health insurance.

Kaya ngayon, sinisikap ng PhilHealth na mairehistro ang natitirang anim na milyong katao sa sektor alinsunod na rin sa hangarin ng Pangulong Noynoy Aquino na magbigyan ng health insurance ang lahat.

Kasama sa hangarin na ito ang pagkakaroon ng PhilHealth ang mga sponsored members: mga miyembrong hindi magbabayad ni singkong duling matapos makapagpagamot sa ospital.

Nililinaw lang ng PhilHealth na hindi libre ang mga sponsored members; sila ang mga pinakamahihirap na mamamayan na sasagutin ng Pamahalaang Nasyunal o ng lokal na pamahalaan na ang kanilang kontribusyon sa PhilHealth.

Paalala lang ni Dr. Aquino sa mga pupunta sa PhilHealth Sabado: magdala ng birth certificate o marriage certificate at ng tatlong daan piso bilang paunang kontribusyon sa unang tatlong buwan.

Kada tatlong buwan ang hulugan sa PhilHealth, kaya sa isang taon, ang kabuuang kontribusyon ay aabot sa P1,200.

Kapag miyembro na ng PhilHealth, hindi lang yung taong naka-rehistro ang makikinabang kundi pati ang asawa, anak at iba pang idedeklarang dependent ng miyembro.

Para sa mga taga-Metro Manila, maaring magparehistro sa mga sumusunod na paaralan: (1) Aurora Quezon Elementary School, San Andres, Malate, Manila; (2) Commonwealth Elementary School, Commonwealth Avenue, Quezon City;(3)T. Paez Elementary School, Apelo Cruz Street, Malibay, Pasay City; (4) Pasig Elementary School, Caruncho Avenue, San Nicolas, Pasig City; (5) San Juan Elementary School, N. Domingo corner A. Luna Streets, Balongbato, San Juan City;(6) Gen. T. De Leon Elementary School, Gen. T. De Leon, Valenzuela City; (7) Navotas Sports Complex, Navotas, Manila; (8) Bayanan Elementary School Unit I, Valeda Street, Bayanan, Muntinlupa City; (9) National Kidney and Transplant Institute, East Avenue, Quezon City; and (10) SM Taytay Event Center.

Sa iba pang lungsod at lalawigan, tumawag sa PhilHealth sa telepone bilang 637-6262 o 637-9999.

Para sa karagdagan paliwanag sa PhilHealth Sabado 2 at iba pang isyung pang-PhilHealth, panoorin si Dr. Aquino sa mga sumusunod na links: http://bit.ly/moUsuH, http://bit.ly/iQB9qx at http://bit.ly/kFuAw6.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento