LPA sa Philippine Sea.
Itinuturo ni DOST-Pagasa Weather Specialist Meno Mendoza ang bahagi ng
Mindanao kung saan maapektuhan ng LPA sa Philippine Sea (Video grab mula sa DOST Pagasa)
|
Nagbabala ang DOST-Pagasa na maaring maging tropical
depression sa loob ng 2 hanggang 5 araw ang dalawang low pressure area (LPA) sa
West Philippine Sea at Philippine Sea.
Kaya naman pinapayuhan ng DOST-Pagasa ang mga kababayan sa
Palawan, Mindanao at Kabisayaan na paghandaan ang posibleng biglaang pagbaha at
pagguho ng lupa na maaring maidulot ng dalawang LPA.
Ang LPA sa West Philippine Sea (huling namataang lokasyon sa
layong 115 kilometros timog-timog-kanluran ng Puerto Princesa City) ay inaasahang
tatawid ng Palawan ngayong araw na ito.
Ang LPA na ito ay tinatayang magdadala ng katamtaman
hanggang paminsan-minsang malalakas na pag-ulan at kulog-kidlat.
Sa kabilang dako, ang LPA sa Philippine Sea (huling namataan
sa layong 980 kilometro Silangan Timog Silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur) at
ang Inter-tropical convergence zone (ITCZ) ay maaring dahilan ng mauulap na kalagitan na may
kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa Zamboanga Peninsula, Hilagang
Mindanao, ARMM, Soccsksargen at silangang Kabisayaan.