Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Disaster Risk Reduction and Management. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Disaster Risk Reduction and Management. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Pebrero 10, 2015

Inang Kalikasan, tampok sa PIA-DENR climate change campus tour sa Marinduque

         Nagpapaliwanag si Inang Kalikasan (Gitna) kina Camilla at Gian sa isang eksena ng dula.

May kinalaman  ang wastong pangangasiwa sa basura at pagtitipid sa kuryente sa pagbabago ng klima at sa pag-iwas sa sakuna.

Ito ang mga pag-uugnayin ng Inang Kalikasan: isang dulaang papet  na tumatalakay kung paano makakakatulong  ang mga bata para maibsan ang epekto ng climate change.

Sa linggong ito, itatampok sa kauna-unahang pagkakataon ng Philippine Information Agency at ng Department of Environment and Natural Resources (mga tanggapan sa Mimaropa) sa kanilang Climate Change Campus Tour ang dulang Inang Kalikaasan sa ilang paaralan sa Boac, Marinduque.

Itatanghal ang Inang Kalikasan sa Don Luis Hidalgo Memorial Elementary School (ngayon, ika-isa at kalahati ng hapon), Marinduque National High School (Ika-12 ng Pebrero, ika-isa at kalahati ng hapon) at sa Marinduque State College (ika-13 ng Pebrero, 8:30 ng umaga).


Bukod sa pagsasadula, tampok din sa Climate Change Campus Tour ang talakayan sa agham at epekto ng nagbabagong panahon, mga posibleng pagmulan ng sakuna sa Boac at pag-display ng mga standee (larawan sa ibaba) na dala-dala ng PIA Mimaropa


Pang-SELFIE: Sinusubukan ng mga estudyante ng Holy Infant Academy ng Calapan City ang mga standee na dala-dala ng PIA-Mimaropa sa PIA-DENR Climate Change Campus Tour.
                                

Miyerkules, Disyembre 3, 2014

Mga taga-Mimaropa, pinaghahanda rin sa Bagyong Ruby


                       Ang larawan ito ay hango sa 11 AM forecast ng Pagasa-DOST kanina 

QUEZON CITY, Disyembre 4 (PIA) --- Malayo at nasa karagatan pa ang Bagyong Ruby ngunit ngayong pa lang kailangan nang maghanda ang mga kababayan sa Mimaropa.

Sa ulat ni Pagasa-DOST  Administrator Vicente Malano sa pulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), halos kasama ang lahat ng lalawigan ng Mimaropa sa mga tinatayang daraanan ng bagyo pagkagaling sa Kabisayaan.

Partikular na tinukoy ni Administrator Malano na lulusutan ng bagyo papuntang West Philippine Sea ang Romblon at ang dalawang Mindoro.

Pinangunahan ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang pulong ng NDRRMC sa Kampo Aguinaldo habang isinusulat ang report na ito.

Sa ulat ng Pagasa kaninang alas onse ng umaga, ang Bagyong Ruby ay nasa layong 860 kilometro silangan ng Surigao City.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 195 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso nang hanggang 230 kilometro bawat oras.

Kumikilos ang Bagyong Ruby pa-Kanluran-Hilagang-Kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.

Inaasahan din ng Pagasa na lalakas pa ang bagyo habang papalapit sa kalupaan.

Tanghali pa ng Sabado inaasahan ng Pagasa-DOST na tatama sa kalupaan ng Samar ang Bagyong Ruby.

Sa pagtaya ng Pagasa, ang Bagyong Ruby ay mamamataan sa layong 20 kilometro  Timog-Timog Kanluran ng Romblon pagsapit ng Linggo.

Pinapayuhan ng NDRRMC ang mga naninirahan sa mga lugar na mababa, bulunbundukin, malapit sa ilog o kaya sa baybaying dagat na sumunod sa mga tagubilin ng kanilang mga opisyal.

Pag-sinabihang lumikas, lumikas.

Pinapayuhan din ang mga mangingisda at mga nagpapatakbo ng iba pang sasakyang pandagat na makipag-ugnayan muna sa dalawang sangay ng Philippine Coast Guard at mga awtoridad bago pumalaot.


LYNDON PLANTILLA
Philippine Information Agency - Mimaropa