Miyerkules, Disyembre 3, 2014

Mga taga-Mimaropa, pinaghahanda rin sa Bagyong Ruby


                       Ang larawan ito ay hango sa 11 AM forecast ng Pagasa-DOST kanina 

QUEZON CITY, Disyembre 4 (PIA) --- Malayo at nasa karagatan pa ang Bagyong Ruby ngunit ngayong pa lang kailangan nang maghanda ang mga kababayan sa Mimaropa.

Sa ulat ni Pagasa-DOST  Administrator Vicente Malano sa pulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), halos kasama ang lahat ng lalawigan ng Mimaropa sa mga tinatayang daraanan ng bagyo pagkagaling sa Kabisayaan.

Partikular na tinukoy ni Administrator Malano na lulusutan ng bagyo papuntang West Philippine Sea ang Romblon at ang dalawang Mindoro.

Pinangunahan ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang pulong ng NDRRMC sa Kampo Aguinaldo habang isinusulat ang report na ito.

Sa ulat ng Pagasa kaninang alas onse ng umaga, ang Bagyong Ruby ay nasa layong 860 kilometro silangan ng Surigao City.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 195 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso nang hanggang 230 kilometro bawat oras.

Kumikilos ang Bagyong Ruby pa-Kanluran-Hilagang-Kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.

Inaasahan din ng Pagasa na lalakas pa ang bagyo habang papalapit sa kalupaan.

Tanghali pa ng Sabado inaasahan ng Pagasa-DOST na tatama sa kalupaan ng Samar ang Bagyong Ruby.

Sa pagtaya ng Pagasa, ang Bagyong Ruby ay mamamataan sa layong 20 kilometro  Timog-Timog Kanluran ng Romblon pagsapit ng Linggo.

Pinapayuhan ng NDRRMC ang mga naninirahan sa mga lugar na mababa, bulunbundukin, malapit sa ilog o kaya sa baybaying dagat na sumunod sa mga tagubilin ng kanilang mga opisyal.

Pag-sinabihang lumikas, lumikas.

Pinapayuhan din ang mga mangingisda at mga nagpapatakbo ng iba pang sasakyang pandagat na makipag-ugnayan muna sa dalawang sangay ng Philippine Coast Guard at mga awtoridad bago pumalaot.


LYNDON PLANTILLA
Philippine Information Agency - Mimaropa

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento