Araw na lang binibilang at magpapalit na ng taon.
Gayumpaman, hindi dapat maging kampante ang mga kababayan dahil may bahagi ng Mimaropa partikular ang Palawan (masdan ang mapa sa itaas) na maaring daanan ng Bagyong Seniang na bumabagtas ngayon sa ilang parte ng Kabisayaan at Kamindanawan.
Sa pagtaya ng Pagasa-DOST (Severe Weather Bulletin No. 10-A), mamamataan ang bagyong Seniang sa layong 70 kilometro bawat oras timog-timog silangang ng Puerto Princesa City bukas, Miyerkules (ika-31 ng Disyembre) ng umaga.
Malapad ang kaulapan ni Seniang---300 kilometro ang diyametro---at lahat ng lugar na babagtasin nitong bagyo ay maaring makaranas ng pito't kalahati hanggang labing limang milimetrong pag-ulan kada oras.
Taglay ng Bagyong Seniang ang lakas ng hangin na 65 kilometro bawat oras at pagbugso ng aabot sa 80 kilometro bawat oras, kumikilos si Seniang pa-kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Dahil dito, Itinaas ng ahensya ang Public Storm Warning Signal No. 1 sa buong Palawan kasama ang mga isla ng Calamian at Cuyo.
Pinag-iingat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ng Mimaropa ang mga kababayan sa posibleng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa mabababa at bulunbunduking lugar.
Hinihikayat din ng mga awtoridad ang mga nagmamay-ari ng maliliit na bangka na iwasan munang pumalaot dahil ang bagyong Seniang ay may kakayahang lumikhang mga dambuhalang along na aabot sa taas na limang metro.
Abangan sa radyo, TV at sa internet ng mga pinakahuling pagtaya ng Pagasa-DOST sa Bagyong Seniang. #
30 Disyembre 2014
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento