Miyerkules, Disyembre 31, 2014

Pagasa-DOST: Bagyong Seniang, humina't lumiit habang nasa Sulu Sea


Larawan mula sa Pagasa-DOST

Humina at nabawasan ang lapad ng Bagyong Seniang habang binabagtas ang Sulu Sea.

Sa huling forecast ng Pagasa-DOST (Severe Weather Bulletin No. 15), namataan ang bagyo sa layong 290 timog-timog kanluran ng Cuyo, Palawan kaninang alas kuwatro ng hapon.

Taglay ng Bagyong Seniang ang lakas ng hangin na 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at kumikilos pa-kanluran-timog-kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.

Ang dating lapad ng bagyo ay  300 kilometro diyametro; ngayong hapon ay 200 kilometro na lang na may kakayaha pang magpaulan ng 5 hanggang 10 milimetro bawat oras.

Public Storm Warning Signal No.1 ang Palawan at hindi nawawala ang banta ng biglang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga mababa at bulubunduking lugar.

Pinapayuhan pa rin ang mga mangingisda at mga byahero sa mga maliliit na bangka na ipagpaliban muna ang pagpalaot sa mga araw ito.

Bukas ng hapon, unang araw sa Enero 2015,  tinataya ng Pagasa-DOST na nasa layong 300 kilometro timog kanluran ng Puerto Princesa City ang bagyo.

Biernes pa inaasahang lalabas ng Pilipinas ang Bagyong Seniang kaya ibayong pag-iingat pa rin ang dapat pairalin sa lahat ng mga kababayan sa Palawan lalo na dakong katimugan.

31 Disyembre 2014

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento