Miyerkules, Disyembre 31, 2014

Apat na mangingisda, hinahanap ng PCG sa Palawan



Inaalam ngayon ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang sinapit na apat na mangingisda na naiulat na nawawala sa Palawan noong parating pa lang ang Bagyong Seniang.

Gayumpaman, sa panayam sa Radyo ng Bayan, sinabi ni Coast Guard Spokesperson Armand Balilo na umaasa siya na  sumilong lang ang mga mangingisda gaya ng ginawa isang grupo ng mga dayuhang bisita nitong Martes nang makasagupa ng masungit na panahon sa karagatan.

Naiulat na may isang grupo ng dayuhan na kinabibilangan ng Australyano, Thai, Pranses at Vietnamese ang nagtangkang lumapit sa El Nido port nitong Martes para mamasyal.

Pero para matiyak ang kaligtasan ng kanyang mga pasahero sa mga malalakas na alon, minabuti ng kapitan ng motorbanca na sumilong muna sa Linapacan Port para makaiwas sa masamang panahon at maipaayos din ang kanilang makina.

Samantala, dalawa ang sinagip  sa pagkalunod ng mga tauhan ng CoastGuard Special Operations Unit at ng kanilang Canine Unit.

Tumaob ang bangkang sinasakyan nina Risaldo Asoque at Mark David habang pabalik ng Puerto Princesa City port sa dako ng Sityo Sibang.

Bago pa man dumating ang bagyo, magkasabay magpalabas ng babala at impormasyon ang mga tauhan ng CoastGuard District Southern Tagalog at CoastGuard District Palawan katulong ang Office of Civil Defense-Mimaropa.

Bukod sa kanila, alertado at naka-monitor din  ang iba pang mga miyembro ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council-Mimaropa gaya ng Department of the Interior and Local Government  Department of Health,  Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways at Bureau of Fire Protection.

Naka-Code White ang mga pagamutan ng DOH at nagpadala ng mga karagdagang tauhan ng Police Regional Office para tumulong sa Operation Center ng Provincial Capitol Operation Center ng Palawan.

Maagang nagposisyon ng 686 na family food packs ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Palawan sa bayan ng Aborlan.

Unang nagsipag-antabay ang mga disaster risk reduction and management office (DRRMO) ng Puerto Princesa City, Roxas at San Vicente.

Nagsawa ng pre-emptive evacuation naman ang mga DRRMO ng Agutaya at Roxas sa mga kababayang nasa bahaing lugar.

31 Disyembre 2014

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento