Linggo, Disyembre 7, 2014

Bagyong Ruby patawid ng Mimaropa: mga kababayan, pinag-iingat ng NDRRMC


Ang larawang ito ay mula sa Pagasa-DOST

Pinaghahanda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga bayan sa Hilagang Mindoro dahil ito ang susunod na dadaanan ng Bagyong Ruby mamayang gabi.

“Paalala natin sa ating mga kababayan, kung hindi importante ang inyong lakad ay manatili sa inyong tahanan. Kung mayroon pa kayong kailangan kumpunuin, ngayon na po...this is the time na dapat gawin yan at maghanda po kayo ng inyong emergency survival kits para kung saka-sakali kailangan ninyo agad mag-evacuate ay mayroon po kayong magagamit agad para sa inyong pamilya,” sabi ni NDRRMC Public Affairs Chief Romina Marasigan kaninang umaga sa isang briefing.

Napag-alaman na may mga lokal na pamahalaan tulad sa Oriental Mindoro ang magsasagawa ng force evacuation ngayong maghapon sa mga lugar na bahain, pagguhuan ng lupa o kaya ay madaanan ng daluyong o storm surge.

Sa huling ulat ng Pagasa-DOST kaninang alas-5 ng umaga, binaybay ng Bagyong Ruby kagabi at kaninang madaling araw ang Sibuyan Sea sa halip na dumaan sa kalupaan ng alinmang isla sa Romblon.

Gayumpaman, dahil sa lapad ng bagyo, nakaranas pa rin ng malakas ng hangin at pag-ulan ang lalawigan at iba pang lugar na malapit sa dinadaanan ni Ruby.
Sa loob ng kanyang 450 kilometrong dayametro, aabot sa 5-15 millimetro ng ulan kada oras ang kayang ibuhos ng bagyo.

Tinataya ng Pagasa-DOST na mga bandang ika-6 hanggang ika-8 ngayong gabi darating ang Bagyong Ruby sa Hilagang Mindoro kung hindi magbabago ang direksyon nito.

Namataan ang mata ng Bagyong Ruby kaninang alas-4 ng umaga sa layong 110 kilometro Hilagang-kanluran ng Masbate City o 50 kilometro Hilagang-silangan ng Romblon, Romblon.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 120 kilometro bawat oras na may pagbugso ng 150 kilometro bawat oras.

Tinataya rin na kikilos ang Bagyong Ruby sa kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.

Dahil dito, pinairal ng Pagasa-DOST ang Public Storm Warning Signal No. 3 sa Oriental Mindoro, Occidental Mindoro pati Lubang Island, Marinduque, Romblon, Burias Island, Batangas, Laguna, Cavite at Katimugang Quezon.

Public Storm Warning Signal No. 2 naman sa Masbate, Calamian Group of Islands, Bulacan, Bataan, Hilagang Quezon, Rizal, Camarines Sur, Camarines Norte, Metro Manila, Semirara Island, Aklan at Capiz.

Inaasahan ng Pagasa-DOST na ganap na mararanasan ng Metro Manila ang pagbuhos ng ulan at hangin mga dalawang oras matapos makaraan ang Bagyong Ruby sa Hilagang bahagi ng Mindoro.

Ang mga lalawigan sa nasa ilalim ng Signal No. 3 at Signal No. 2 ay posibleng maharap sa biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga mababa at bulunbunduking lugar.

Ang mga baybayin naman ng mga lugar na ito ay pwedeng pangyarihang ng mga dambuhalang alon: mga dalawang metrong taas ng tubig sa Signal No. 3 at isang metro naman sa Signal No. 2.

Nakataas naman sa Public Storm Warning Signal No.1 ang Polillo Island, Zambales, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Catanduanes, Hilagang Palawan pati isla ng Cuyo, Albay, Sorsogon, Northern Samar, Iloilo, Antique, Biliran at Bantayan Island.

Ayon sa Pagasa-DOST, makupad ang andar ng Bagyong Ruby dahil may mga pangyayari gaya ng pagpasok ng Amihan (Northeast Monsoon) ang nakakaapekto sa kanyang pagkilos kaya maaring abutin ng ilang araw pa ang bagyo sa bansa.

Posibleng huwebes pa makalabas ng Pilipinas ang Bagyong Ruby batay na rin sa pagtaya ng Pagasa-DOST, ayon pa kay Marasigan.


Ang Amihan at ang Bagyong Ruby ang mga dahilan para maging maalon hanggang sa napakaalon ng karagatan sa Mimaropa kaya pinapayuhan ng mga awtoridad ang mga nagmamay-ari ng mga maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot. (LP)

08 Disyembre 2014, 9:30 am

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento