Martes, Disyembre 30, 2014

Bagyong Seniang bumilis, papunta na sa dako ng Cuyo


Ang larawan ay mula sa Pagasa-DOST


Bumilis ang pagtawid ng Bagyong Seniang papuntang Mimaropa partikular na sa dako ng Cuyo Island.

Mula sa 15 kilometro bawat oras, naging 19 kilometro bawat oras ang pagratsada ng bagyo bagamat nananatili ang lapad ng bagyo sa 300 kilometro, ang lakas ng hangin sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugso sa 80 kilometro bawat oras.

Huling namataan ng Pagasa-DOST ang bagyo sa layong 108 kilometro timog kanluran ng Iloilo City kaninang ika-apat ng hapon.

Tinataya ng Pagasa-DOST na mamamataan ang bagyong Seniang sa layong 110 kilometro kanluran ng Puerto Princesa City bukas ng hapon (Miyerkules, Ika-31 ng Disyembre)  

Dahil dito, itinaas ng Pagasa-DOST sa Public Storm Warning Signal No. 2 ang babala sa Palawan at sa isla ng Cuyo batay sa Severe Weather Bulletin No.11.

Nananatili naman sa PSWS No. 2 ang babala sa Calamian group of islands.

Malapad ang bagyo kaya lahat ng mga bayan na madadaanan nito ay maaring makaranas ng pito't kalahati at labing limang milimetrong pag-ulan.

Lalong pinag-iingat ng awtoridad ang mga kababayan sa mga mababa at bulubunduking lugar na nasa ilalim ng Signal No. 2 at Signal No. 1 sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.

Sa mga mangingisda at mga nagmamay-ari ng bangkang maliliit, nakikiusap ang mga opisyal na huwag na munang pumalaot dahil kaya ng bagyo na makalikha ng mga dambuhalang bagyo na may taas na limang metro.

Pinapayuhan din ang mga residente sa mga posibleng daanan ng bagyo na sundin ang mga gabay ng kani-kanilang disaster risk reduction and management office.

Magbibigay ang Pagasa-DOST ng panibagong pagtaya ng panahon mamayang 11 ng gabi.

30 Disyembre 2014

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento