Biyernes, Disyembre 5, 2014

Pre-emptive Evacuation, inirekumenda ng RDRRMC sa mga LGU ng Mimaropa



QUEZON CITY, Disyembre 05 (PIA) --- Hinikayat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council-Mimaropa (RDRRMC - Mimaropa) ang mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na magsagawa ng pre-emptive evacuation o maagang paglilikas sa mga lugar na peligroso bago dumating ang Bagyong Ruby.

Kabilang na rito ang mga mababa at bahaing lugar kabilang ang mga dalampasigan pati ang mga bulubundukin pook na pwedeng pangyarihan ng landslide.

Kasama din sa memorandum na nilagdaan nina Office of Civil Defense Mimaropa Regional Director Eugene Cabrera at Interior and Local Government – Mimaropa Regional Director James Fadrilan ang panawagan sa mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang No Sail policy o ang pagbabawal sa pagpalaot ng mga mangingisda o kaya ng mga nagmamay-ari ng mga sasakyang pandagat.

Ang Romblon ang unang lalawigan ng Mimaropa na sumailalim sa Public Storm Signal No. 1. 

Pero kung tutuusin, halos buong Mimaropa ang sasagasaan ng Bagyong Ruby.

Sa paliwanag ng Pagasa-DOST nitong Biernes, kabilang ang mga lalawigan ng Mimaropa sa mga direktang madadaanan ng mata ng bagyo na may bitbit na malalakas na hangin.

Dahil sa lakas ng hangin, may posibilidad na magkaroon ng mga dambuhalang alon o storm surges sa mga dalampasigan ng mga islang probinsya ng Mimaropa.

Sabi ng Pagasa-DOST, Sabado ng gabi o Linggo ng umaga pa inaasahang tatama sa kalupaan ng Hilagang kabisayaan ang Bagyong Ruby.

Pagkatapos, Kabikulan ang pupuntahan muna ng bagyo bago sumaglit sa Metro Manila.

Pagkagaling sa mainland Luzon, unang tutumbukin ng Bagyong Ruby ang Romblon sa Lunes.


Inaasahang ng Pagasa DOST na Miyerkules pa makakalabas ng bansa ang Bagyong Ruby. (LP)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento