Ang larawan ay mula sa Pagasa-DOST
Bagamat bumagal ang pagbaybay ng Bagyong Seniang sa Palawan, pinapayuhan ng Pagasa-DOST ang mga kababayan doon na ipagpatuloy ang ibayong pag-iingat mula ngayon hanggang bukas.
Lalo na yung mga nakatira sa mga mababa at bulubunduking lugar kung saan pwedeng bumaha o kaya ay gumuho ang lupa dala ng Seniang.
Nagpabaha at nagdulot ng mga landslide ang Bagyong Seniang sa Kabisayaan at Kamindanawan nitong mga nakaraang araw.
Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 35 ang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Seniang sa mga nasabing rehiyon.
Dalawamput-anim ang sugatan at walong nawawala.
Gayumpaman, sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Doy Cada ng Pagasa-DOST na posibleng humina ang bagyong Seniang sa mga susunod na oras.
Kaninang 10 ng umaga, ibinaba ng Pagasa-DOST sa Public Storm Warning Signal No. 1 ang babala sa buong Palawan batay sa Severe Weather Bulletin No. 14.
Huling namataan ang bagyo sa layong 245 kilometro Timog-Timog-Silangan ng Cuyo, Palawan kaninang alas 9 ng umaga.
Mula sa 19 na kilometro bawat oras, natapyasan ng anim na kilometro ang bilis ng pakanlurang-silangan-kanlurang paglalakbay ng Bagyong Seniang
Bumaba rin mula sa 65 kilometro bawat oras sa 55 kilometro bawat ang oras ang lakas ng bagyo.
Pero malapad pa rin ang kaulapan ng bagyo na may diyametro na 300 kilometro.
Dahil dito, inaasahan ng Pagasa-DOST na mga pito't kalahati hanggang milimetro ng pag-ulan ang mararanasan ng mga bayang madadaanan ng Bagyong Seniang.
Mapanganib sa ngayon sa eroplano, barko at bangka ang himpapawid at ang karagatang nasasakupan ng Palawan.
Dahil dito, pinapayuhan ng mga awtoridad na wala munang lilipad o kaya ay papalaot sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1.
Bukas ng umaga, tinataya ng Pagasa-DOST na mamamataan ang Bagyong Seniang sa layong 220 kilometro katimugan ng Puerto Princesa City.
Antabayanan ang susunod na ulat ng Pagasa DOST mamayang alas singko ng hapon.
31 Disyembre 2014
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento