Huwebes, Disyembre 4, 2014

Dalawang ospital sa Palawan, naka-antabay na rin sa Bagyong Ruby

Halaw sa 11 am report ng Pagasa-DOST


QUEZON CITY, Disyembre 4 (PIA) --- Dalawang ospital sa Palawan ang nasa ilalim ng Code Blue bilang paghahanda sa pagdaan ng Bagyong Ruby ngayong weekend.

Ang mga ito ay ang  Ospital ng Palawan (Puerto Princesa City) at Culion Sanitarium and General Hospital (Culion Island).

Kapag nakataas ang Code Blue, paliwanag ng Department of Health, kalahati ng kabuuang bilang mga tauhan ng ospital ay kailangan pumasok sa trabaho.

Sa sandaling umakyat ang alerto sa Code Red, lahat ng personnel ng ospital ay kailangan nasa kani-kanilang puwesto.

Batay sa ulat ng Pagasa-DOST, Sabado pa inaasahang tatama sa kalupaan ng Samar ang Bagyong Ruby.

Mula Samar, ayon sa Pagasa-DOST, sasagasaan ng bagyo ang mga bayan sa gitnang Kabisayaan hanggang sa makalusot sa Mimaropa partikular sa Romblon at sa dalawang Mindoro batay sa forecast ng Pagasa-DOST kaninang umaga.

Tinatayang ng Pagasa-DOST na linggo pa lalabas ng West Philippine Sea ang bagyong Ruby. 

Sa huling monitoring ng Pagasa-DOST, bumagal ang ratsada ng Bagyong Ruby sa karagatan kaya wala pang pinsalang maidudulot sa alinman panig ng bansa.

Gayumpaman, maaga palang ay hinihikayat na mga awtoridad ang mga taga-Mimaropa na maghanda sa bagyo. (LP)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento