Biyernes, Nobyembre 28, 2014

Pagasa-DOST sa mga taga-Palawan: iwas-dagat muna habang papalayo si Queenie



                      Ang larawan na ito ay mula sa Pagasa-DOST


QUEZON CITY, Nobyembre 28 (PIA)---Papalayo na ang Bagyong Queenie pero pinapayuhan pa rin ng Pagasa-DOST ang mga kababayan sa kanluran baybayin ng Palawan na huwag munang pumalaot .
Dahil dito, inalis na ang babala ng bagyo na pinairal sa Palawan.

Habang dumadaan ang bagyo nitong Huwebes, dalawang katao ang nailigtas ng mga tauhan ng Bantay Dumaran at Pulisya sa karagatang bahagi ng Dumaran.

Pinataob ng malalakas na hangin at malalaking alon ang bangkang sinakyan nina Ronilo Bacay at Jayson Tayo kahapon.

Ang dalawa ay naihatid na sa barangay Poblacion.

Mahigit sa limangpung katao kabilang ang may dalawamput-dalawang elementary student ang sinundo ng 117 Rescue Team at ng Kilos Agad Action Center  matapos ma-istranded sa Sitio Magarwak, Barangay Bacungan sa Puerto Princesa City.

Sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office-Puerto Princesa City,  nagsasagawa ng field trip ang mga biktima sa lugar nang abutan ng malakas na ulan.

Umabot sa 343 na mga kabahayan ang napinsala ng Bagyong Queenie; lima sa nasabing bilang ay ganap na nasira at matatagpuan sa bayan ng Linapacan.

Ang pang-anim na ganap na nawasak na bahay ay nasa bayan ng Roxas.

Ang karamihan ng mga bahagyang napinsalang bahay ( umabot sa 287) ay matatapuan sa bayan ng Araceli.

Labing dalawang bangka sa bayan ng Linapacan ang naiulat na nasira.

Hanggang baywang naman ang baha sa mga barangay ng Talog, Cataban at Poblacion sa bayan ng Taytay.

Pero sa ulat ng Office of Civil Defence - Mimaropa, bumababa na ang baha sa mga nabanggit na barangay. (LP)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento