Miyerkules, Nobyembre 26, 2014

Palawan, binabantayan ang pagkilos ng TD Queenie


                                                     Ang larawan rito ay mula sa PAGASA-DOST


QUEZON CITY, Nobyembre 27 (PIA) --- Pinag-iingat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga kababayang taga-Palawan partikular na yung mga naninirahan sa Hilagang Bahagi sa pagdaan ng Tropical Depression Queenie.

Kaninang alas diyes ng  umaga, namataan ng PAGASA ang TD Queenie sa layong 120 hilangang kanluran ng Dumaguete City.

Bagamat patawid pa lang ngayon sa Sulu Sea, mamayang gabi ay magpaparamdam sa Palawan si  TD Queenie  na may lakas na 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna.

Inaasahang tatahakin ng TD Queenine ang pakanlurang direksyon sa bilis na 24 kilometro bawat oras.

Kaya naman nakataas ang Public Storm Signal Number 1 ngayon sa Palawan, Calamian Group of Islands at pati sa isla ng Cuyo.

Tinataya ng Pagasa na may magbubuhos ng pito hanggang labing limang milimetrong ulan ang TD Queenie sa loob ng kanyang 300 kilometrong diyametro.

Walang tigil sa kapapa-alala ang mga awtoridad sa mga kababayang naninirahan sa mga mabababa at bulubunduking lugar sa Palawan na nasa ilalim ng Public Storm Signal Number 1 at maging sa mga katulad na lugar sa Romblon at sa dalawang lalawigan ng Mindoro na mag-ingat at maghanda sa biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.

Iniulat ng  Office of Civil Defense-Mimaropa (sa kanilang Sitrep No. 2),  na suspindido na ang port operations ng rutang Puerto Princesa-Cuyo-Iloilo at rutang Coron-Palawan-Manila.

Pinayuhan naman ng Coast Guard District - Palawan ang mga operator ng  malalaki at maliit na sasakyang pandagat na ipagpaliban muna ang mga biyahe habang papalapit ang TD Queenie.

Iniulat naman ng Palawan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na naka-alerto na kanilang operation center,  mga Disaster Risk Reduction and Management Offices sa iba't-ibang bayan, pati mga response group sa lalawigan kabilang na rito ang Palawan 165.

Para sa karagdagang detalye, tumawag sa OCD-Mimaropa sa (042) 723-4248 o kaya sumulat sa ocd4_mimaropa@yahoo.com.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento