Miyerkules, Nobyembre 26, 2014

RDRRMC ng Mimaropa, pinaghahandaan si TD Queenie

Ang larawang ito ay mula sa PAGASA-DOST


QUEZON CITY, Nobyembre 27 (PIA) --- Hindi pa nakakarating sa Mimaropa ang Tropical Depression Queenie pero  pinaghahanda ng mga miyembro ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga kababayan sa rehiyon  lalo na yung mga taga Palawan na maghanda na.

Nakataas ang Public Storm Signal Number 1 sa Calamian Group of islands, Cuyo Islands at sa nalalabing bahagi ng Palawan.  

Pinasabihan na ang mga may-ari ng mga malalaking at maliliit na sasakyang pandagat na ipagpaliban muna ang paglaot habang hindi nakakalagpas ang TD Queenie.

Tulad ng dati, nakikipag-ugnayan na ang Office of Civil Defense (Mimaropa) sa lahat ng response organizations para paghandaan ang parating na tropical depression.

Alertado na rin ang mga field office ng Department of the Interior and Local Government.
Naka-antabay na rin ang mga Social Welfare and Development teams sa buong rehiyon at maging ang kanilang quick reaction teams.

Ayon pa sa Department of Social Welfare and Development - Mimaropa, nakaposisyon na ang kanilang mga relief goods sa mga malalayong island barangays.

Mayroong 18,766 family food pack ngayong ang DSWD-Mimaropa.

Nasa Code White ang status ng Deparment of Health - Mimaropa na patuloy ang pagmamatyag sa kanilang mga tanggapan sa iba't ibang lalawigan.

Nakahanda na rin ang mga tauhan ng Provincial Regional Office ng PNP-Mimaropa kabilang na rito ang kanilang search and rescue team.

Nakakalat naman sa iba't ibang district office ang mga asset ng Department of Public Works and Highways gaya ng heavy equipment para makatulong sa clearing operation.

Gaya ng OCD-Mimaropa, wala tigil ang Coast Guard District Southern Tagalog  ng mga weather bulletins sa kani-kanilang substations sa bawat probinsya.

Naka-stand by naman ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection kung kakailangan sa mga mga rescue operations: mayroon silang mga emergency medical units bukod sa mga fire-fighting equipments at personnel.

Tiniyak naman ng Department of Agriculture na mayroon silang mga planting materials na pwedeng ipamalit sa mga pananim na posibleng masira kapag naminsala ang TD Queenie.

Bagamat wala sa ilalim ng public storm signal number 1, naghanda na rin ang mga Provincial Disaster Risk Reduction and Management office ng Romblon at Oriental Mindoro  sa pagdating ng TD Queenie na may pito hanggang labinglimang millimetrong ulan sa loob ng kanyang tatlong daang kilometrong diyametro na maaring maging dahilan ng pagguho ng lupa o kaya ay biglaang pagbaha sa mga mabababang at bulubunduking lugar.

At panghuli, ang PIA-Mimaropa naman ang tumutulong sa pagpapakalat ng impormasyon sa mga hakbang na ginagawa ng mga miyembro ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Office.

Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa OCD-Mimaropa sa (042) 723-4248 o kaya sa ocd4_mimaropa@yahoo.com. (Lyndon Plantilla)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento