Martes, Pebrero 17, 2015

DOH: walang MERS-CoV sa Mimaropa


                     Sumasagot sa mga tanong ng media si Regional Director Eduardo Janairo ng DOH-Mimaropa                                                                   hinggil sa MERS-CoV sa isang panayam sa kanyang tanggapan kamakailan

QUEZON CITY, Ika-17 ng Pebrero (PIA) --- ‘Wag maniwala sa tsismis ha.

Ang panawagan ng Department of Health –Mimaropa sa mga kababayan hingil sa Middle Eastern Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV),  suriing mabuti ang nasasagap na balita.

“Wag magpapanik, wag iisiping magiging malala ang sitwasyon, wag rin makikinig sa tsismis. Marami kasing lumalabas na impormasyon tungkol sa MERS-CoV di-umano sa Mimaropa, hindi naman tutuo, “sabi ni DOH-Mimaropa Regional Director Eduardo Janairo sa isang panayam sa mga taga-media.

Inamin ni Director Janairo na dalawa sa mga  kapwa-pasahero ng kababayang pumusitibo sa MERS-CoV ay nakauwi na sa Oriental Mindoro batay sa kanilang ginawang contact tracing.

Pero nilinaw ng direktor na ang dalawang pasahero ay negatibo sa MERS-CoV matapos dumaan sa pagsusuri at obserbasyon.

Walang ring katibayan na mayroong dalawa pang pasahero ng Saudia Airlines Flight 860, mga di-umano’y nakasabay din ng nars na positibo sa MERS-CoV,  ang pumasyal sa alinmang resort sa Palawan.

Nauunawaan ni Director Janairo kung bakit ganun na lang ang pangamba ng mga kababayan sa MERS-CoV: ang mga senyales nito ay katulad sa taong may trangkaso o lagnat, may ubo at sipon.
Pero may limitasyon ang panghahawa ng MERS-CoV.

Ani Director Janairo, kung walang sintomas ang tao sa ika-15 o kaya ika-19 na araw mula sa araw nang kanyang di-umano’y pagkakahawa, maituturing na siyang negatibo o walang sakit.

Tiniyak ni Director Janairo na nakahanda ang DOH at ang mga pasilidad nito na pangasiwaan ang pangagamot sa MERS-CoV.

Sa ngayon, ang kababayang nars na ginagamot sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang kaisa-isang kumpirmadong kaso ng MERS-CoV sa bansa.

Walang puknat pa rin ang apila ng DOH sa lahat ng mga kababayan at biyaherong  umuwi kamakailan mula sa Middle East: makipag-ugnayan sa kagawaran kapag nilalagnat, inuubo at kinakapos ang paghinga.

Ang mga numero ng DOH – Mimaropa ay 02-913-4650, 02-912-7754 at 02-912-0192 local 130; matatawagan naman ang DOH-Central  Office sa 02-7111-001 at 02-7111-002.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento