Martes, Pebrero 17, 2015

"Kunek" sa mga resort sa Mimaropa, patitibayin pa ng DOH


Kinakausap ni Regional Director Eduardo Janairo si Cuyo Mayor Andrew Ong sa telepono sa gitna ng isang media interview 

LUNGSOD QUEZON, Ika-17 ng Pebrero (PIA) --- Handang palakasin ng Department of Health (DOH) ang kakayahan ng mga resort  na rumesponde sa mga magkakasakit nilang bisita para mapigilan na rin ang pagkalat ng karamdaman sa Mimaropa.

Kabilang dito ang pagbibigay ayuda sa klinik ng mga resort.

Ito ang isa sa mga pinoproyekto ng  DOH-Mimaropa dahil ang rehiyon ay ikinakampanya ngayon bilang Destination of Choice (o ang pinipiling destinasyon)ng mga turista.

“Maraming tourist areas sa loob ng Mimaropa pero kailangan natin silang maihanda para lalo pang maging ligtas ang lugar. Kaya sinabi ko sa aming staff, this second week of March, mag-conduct na tayo ng summit kasama ang mga resort owner,” paliwanag ni DOH-Mimaropa Regional Director Eduardo Janairo.

Sa sandaling luminaw pa ang ugnayan ng kagawaran sa mga resort owner, sinabi ni Director Janairo na mapapadali na ang pagtunton o contact tracing ng mga turistang magkakasakit at ng mga makakasalamuha nila sa rehiyon sa pamamagitan ng agaran pag-rereport.

Mahalaga ito sa pagkumpirma ng mga kaso tulad ng Ebola Virus o kaya ng Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV).

Pero hindi pa man nangyayari ang summit, maganda na ang koordinasyon ng  mga malalaking resort at  mga lokal na pamahalaan sa regional office.

Isang halimbawa ang contact tracing sa dalawang dayuhan na napaulat na nakasabay sa eroplano ng isang kababayang pumusitibo sa MERS-CoV.

Napabalitang pumasyal  di-umano ang dalawa sa isang eksklusibong resort sa Palawan.

Sa ulat ng pangasiwaan ng Dos Palmas sa DOH-Mimaropa, hindi sila nagkaroon ng ganun mga bisita.

Gayundin ang sagot ng Amanpolo Bearch Resort: wala rin silang naging bisita na mga dating pasahero ng Saudia Airlines Flight 860.

Mismong si Mayor Andrew Ong ng Cuyo, Palawan pa ang nagpatutoo sa pahayag ng Amanpolo nang tawagan at ipakausap ni Director Janairo sa mga taga-media.

Ang Amanpulo ay saklaw ng bayan ng Cuyo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento