Huwebes, Abril 30, 2015

DOLE - Mimaropa, may kambal na job fair sa Oriental Mindoro at Palawan ngayong Mayo Uno



QUEZON CITY, Ika-30 ng Abril (PIA)---Inaanyayahan ng Department of Labor and Employment - Mimaropa ang mga kababayan sa rehiyon na makilahok sa dalawang Job Fair na idaraos sa Oriental Mindoro at Palawan bukas, Labor Day.

Magkasabay magbubukas ang kambal na Job Fair sa Pinamalayan Municipal Gymnasium sa bayan ng Pinamalayan at sa Activity Center ng Robinsons Place sa Puerto Princesa City.

Ayon kay Jhomer Acedillo, Labor and Employment Officer II, karamihan ng mga bakanteng trabaho ngayon ay nahahahanay sa manufacturing.

Kabilang sa mga lalahok sa job fair ngayon ay mga kumpanyang may mga pabrika sa Batangas at Laguna.

Dalawamput-dalawang lokal na kumpanya ang sasali sa Pinamalayan samantalang 30 naman sa Puerto Princesa.

Bukod sa manufacturing, may mga opening na nasa linya ng construction; hotel and restaurant management; transport, storage and communication; financial intermediation, health and social work; real estate at community, social and personal services.

May limang ahensiya din sa Puerto Princesa ang nag-aalok ng mga trabaho para sa ibang bansa gaya ng  household workers, factory workers, mechanical engineers, construction workers at drivers.

Kung may mga kababayan na nangangailangan na mag-renew ng kanilang professional licenses, pwede silang sumabay ng mga job seekers ang Professional Regulatory Commission sa kambal na job fair.

Para sa karagdagang detalye, magtanong sa 043-288-2080 (para sa tanggapan ng DOLE sa Calapan) at  (048) 433-0383 (PESO Office sa Puerto Princesa City).



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento