Miyerkules, Setyembre 12, 2018

DPWH: Nagbabantay sa pagkilos ng Bagyong Ompong




Ompong at Habagat. Ipinakikita ni DOST-Pagasa Weather Specialist Sheilla Reyes sa satellite image ang pagdami ng kaulapan sa Palawan at sa Kamindanawan dahil sa paghatak ng Bagyong Ompong sa habagat. (Larawan hinango sa Press Briefing: Typhoon Ompong ng DOST-Pagasa)


Tulad ng iba pang sangay ng pamahalaan na kasama sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, nagmamatyag din ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bawat paggalaw ng Bagyong Ompong habang binabagtas ang Philippine Sea.

Sa kanilang update nitong hatinggabi, iniulat ng DPWH na walang pang kalsadang naisasara dahil sa Bagyong Ompong.

Huling namataan ng DOST-Pagasa ang Bagyong Ompong dakong ika-10 kagabi sa layong 1,005 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.

Taglay ni Ompong ang lakas ng hangin sa 205 kilometro bawat oras at pagbugso na aabot hanggang 255 kilometro bawat oras.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 20 kilometro bawat pa-kanluran-hilagang-kanluran.

Bagamat Sabado ng umaga pa tinataya ng DOST-Pagasa na tatami si Ompong sa dulong Hilaga ng Cagayan, maagang pinaghanda ng DPWH ang lahat ng kanilang tanggapan (mga Regional Office at District Engineering Office) para makatugon sa mga  pinsalang maaring maidulot ng bagyo.

Bahagi ng hakbang na ginawa ng DPWH ay ang pag-iispeksyon at pagbabantay sa mga pampublikong imprastraktura gaya mga tulay at ng mga mataas na gusali.

Nagposisyon na rin ng mga kasangkapan at makinarya ang mga tanggapan ng DPWH malapit sa mga lugar na posibleng pangyarihan ng sakuna o disaster prone.

Alertado na rin ang lahat ng mga Disaster Risk Reduction Management Team sa rehiyonal at mga distrito ng DPWH taglay ang mga kanilang mga kasangkapan o kaukulang safety gears.

Tiniyak din ng DPWH na umaandar ang kanilang network at mga pasilidad pang-kumunikasyon sa sandaling kailanganin. #

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento