Huwebes, Setyembre 6, 2018

LPA, Habagat, magpapaulan sa Mimaropa



Ipinapakita ni DOST-Pagasa Weather Specialist Samuel Duran ang lokasyon ng bagong LPA at ng Habagat (Southwest Monsoon) sa mapa. Ang dalawang weather system ang magpapaulan sa Mimaropa at mga karatig-rehiyon. (Halaw sa Weather Update ng DOST-Pagasa ang larawan)


Itinaas ng  Visayas Pagasa Regional Service Division ang Orange Warning Level  sa katimugan Palawan partikular sa mga bayan ng Quezon, Rizal, Bataraza, Brooke’s Point, Sofronio Espanola at Narra.

Kapag naitaas ang Orange Warning Level sa isang lugar, ayon sa DOST-Pagasa, dapat paghandaan ng mga kababayan ang malakas na pagbuhos ng ulan na maaring magdulot ng pagbaha sa mga mabababang lugar at pagguho ng lupa sa mga dalisdis o kaya sa mga bulubundukin.

Kabilang sa ihahanda ay ang emergency kit, go bag o kaya ay emergency balde na dadalhin kung sakaling kakailanganing lumikas.

Ang babalang Orange Warning Level ay batay sa pagbasa ng DOST Pagasa sa radar at iba pang datos pang-metrologikal.

Sa weder forkast ng DOST-Pagasa nitong Huwebes ng hapon, kinumpirma ni Weather Specialist Samuel Duran na maapektuhan ng  bagong  Low Pressure Area (LPA) ang lagay ng panahon sa Palawan at sa Mindoro.

Dahil sa LPA, ang Palawan at Mindoro ay inaasahang makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.

Huling namataan  ng DOST-Pagasa ang LPA kaninang ika-3 ng hapon sa layong 130 kilometro kanluran ng Calapan City.

Ang nalalabing bahagi ng Minaropa, Metro Manila, Gitnang Luzon, Katimugan Luzon, Kabikulan at Kabisayaan ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat dulot naman ng Habagat.

Pinag-iingat pa rin ng DOST-Pagasa ang mga kababayan sa mga nabanggit na lugar dahil posibleng madulot din ng  pagbaha at pagguho ng lupa ang ulang hatid ng habagat.

Hinihikayat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga kababayan na makipag-ugnayan palagi sa kani-kanilang disaster risk reduction and management office para sa mga  hakbangin na makakaiwas sa pagkamatay o kaya pagkasira ng mga ari-arian. #

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento