Biyernes, Setyembre 7, 2018

DOST-Pagasa: LPA at Habagat, magpapaulan pa rin sa Luzon at Western Visayas



Tambalang LPA at Habagat.  Ipinapaliwanag ni DOST-Pagasa Weather Specialist Gener Quitlong na magpapatuloy ang pagpapaulan ng LPA at ng Habagat sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at Kabisayaan. (hinango ang larawan sa Weather Update ng DOST-Pagasa)

Tinataya ng DOST-Pagasa na magpapaulan pa rin sa Luzon at sa ilang bahagi ng Kabisayaan ang Low Pressure Area (LPA) ngayong weekend hanggang Martes.

Mula sa Rosales, Pangasinan, ayon kay DOST-Pagasa Weather Specialist Gener Quitlong,  didiretso ang LPA sa Region 2 partikular sa dako ng Tuguegarao ngayong Sabado.

Pagsapit ng Linggo, pupunta naman sa dako ng Bashi, Balintang Channel sa Batanes.

Inaasahan ng DOST-Pagasa na nasa pagitan ng Taiwan at Batanes ang LPA pagsapit ng Lunes at doon ito posibleng lumakas hanggang maging ganap na bagyo.

Pag naging bagyo ang LPA habang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), tatawagin itong Neneng.

Martes naman inaasahang lalabas ng PAR ang LPA patungong Hongkong.

Dahil na rito sa LPA, sinabi ni Quitlong na pag-iibayuhin nito ang Habagat na siyang magpapaulan sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at ng kabisayaan.

Kabilang sa mga makakaranas ng maulap na papawiran na may kalat-kalat  na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ay ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region,  Cagayan Valley Region, at Central Luzon, Palawan, Mindoro provinces at Western Visayas.

Ayon sa DOST Pagasa, maaring maranasan ng mga nasabing lugar ang biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.

Gaya ng dati, pinapayuhan ng DOST-Pagasa at ng National Disaster Risk Reduction and Management ang mga kababayan ng ibayong paghahanda at pagkikipag-ugnayan sa kanilang local government unit.

Binanggit din ni Quitlong ang posibilidad na pagpasok ng isang pang LPA mula sa silangang bahagi ng Dagat Pasipiko sa darating na Miyerkules.

Kung lalakas at magiging bagyo pagtawid ng ikalawang LPA sa PAR, tatawagin itong Ompong.
Magpapatuloy sa pagbabantay ang DOST-Pagasa at NDRRMC sa pagkilos at epekto ng dalawang LPA at Habagat.#




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento