Martes, Hulyo 15, 2014

Pre-emptive evacuation, ipinatupad sa Marinduque at Occidental Mindoro




Umabot na sa 737 na pamilya ang nailikas ng mga lokal na pamahalaan ng Marinduque at Occidental Mindoro bilang pag-iwas sa posibleng disgrasyang mangyari sa pagdaan ng Bagyong Glenda.

Sa ika-limang Situation Report ng Office of Civil Defense-Mimaropa, karamihan ng mga evacuees ay mula sa Marinduque gaya ng Boac (279 na pamilya) at Gasan (205 na pamilya).

Inaalam pa ng OCD-Mimaropa ang bilang ng mga inilkas sa mga bayan ng Torrijos at Santa Cruz.
May 70 pamilya rin ang nailikas sa Abra De Ilog, Occidental Mindoro.

Hinggil naman sa suplay ng kuryente, nakaranas ng interruption ang mga bayan ng Buena vista, Boac at Gasan ng Marinduque mula hapon hanggang gabi nitong Martes.

Nagkaroon din ng power interruption sa bayan ng Magsaysay, Occidental Mindoro at sa Banton, Romblon.

Kasama pa rin ang Marinduque sa mga lalawigan kung saan pinaiiral ang Public Storm Warning Signal (PSWS) No. 3 samantalang ang mga hilagang bahagi ng Occidental Mindoro at ng Oriental Mindoro ay nasa ilalim ng PSWS No. 2 alinsunod sa Severe Weather Bulletin No. 11 ng Pagasa-DOST.

Ang natitirang bahagi ng Oriental Mindoro at Occidental Mindoro ay nasa ilalim ng Signal No. 1.

Kapag nakataas ang Signal No. 3, inaasahang taglay ng bagyo ang lakas ng hangin mula 101 hanggang 185 kilometro bawat oras sa loob ng 18 oras matapos mailabas ang bulletin ng Pagasa-DOST.

Sa Signal No. 2, taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 61 hanggang 100 kilometro bawat oras sa loob ng 24 oras mula nang mailabas ang bulletin ng Pagasa-DOST.

Kapag nasa ilalim ng Signal No. 1, ang mararanasang hangin sa mga apektadong lugar ay may lakas na 30 hanggang 60 kilometro bawat oras.


Sa pagtaya ng Pagasa-DOST, kumikilos ang bagyong Glenda sa pa-kanluran hilagang kanlurang direksyon sa bilis na 19 na kilometro bawat oras.

PIA-Mimaropa BROADCAST NEWS
Lyndon Plantilla, 09392974857 & 02-9203922
16 July 2014

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento