Biyernes, Setyembre 26, 2014
Eksperto: isang malaking puno, singlakas ng sampung aircon kung magpalamig
QUEZON CITY, Setyembre 27 (PIA): Gusto malamig ang paligid palagi pero ayaw mag-aircon? Magtanim daw ng puno.
Ang isang malaking puno ay may kakayahang makapagpalamig na sing-lakas ng sampung air-conditioner, ayon sa isang eksperto ng Department of Environment and Natural Resource-Mimaropa (DENR-Mimaropa).
Sa isang seminar sa Mindoro College of Agriculture and Techonology (Minscat)-Calapan Campus kamakailan, ipinaliwanag pa ni Marilyn Limpiada na ang isang pares ng puno na nasa wastong gulang ay makagagawa ng oxygen na sasapat naman sa isang pamilya na may apat na miyembro.
Si Ms. Limpiada, ang Regional Technical Director ng Ecosystem Research and Development Service ng DENR-Mimaropa, ay kabilang sa grupong nagtaguyod ng Climate Change Campus tour sa Calapan City bilang bahagi ng kampanya ng DENR-Mimaropa at ng Philippine Information Agency-Mimaropa (PIA-Mimaropa) na "Nagbabago na ang Panahon, Panahon na Magbago."
Nilalayon ng kampanya na maipaunawa sa publiko ang nagbabagong klima at kung paano makakaligtas sa mga epekto nito tulad ng madalas na pagbagyo, pagbaha at mahabang tag-tuyo.
Mismong si Regional Director Cristina Castillo (kasama ang mga taga- PIA-Oriental Mindoro sa ilalim ni Information Center Manager Louie Cueto, Ph.D.) ang nanguna sa panig ng PIA-Mimaropa para pangasiwaan ang unang ratsada ng Campus Tour sa Calapan City.
Bukod sa nakapagpapalamig, ani pa ni Ms. Limpiada, ang mga puno ang pinakamahusay na sumisip o humigop ng Carbon Dioxide, isa sa mga mabibigat na greenhouse gas na kumakalat sa hangin at kalawakan.
Ang Carbon dioxide ay mula sa pagsunog ng mga fossil fuel o petrolyong langis sa mga pabrika, sasakyan at power plants.
Ang iba pang greenhouse gas ay ang Nitrous Oxide na mula sa kemikal na pataba; Halocarbons na mula sa air-c conditioner at refrigerator at Methane na nagmumula naman sa mga dumi ng hayop at nabubulok na basura.
Pangunahing layunin ng mga green house gas ay panatilihin ang wastong temperatura sa daigdig.
Subalit sa lakas ng paggamit ng petrolyong langis, gaas at uling sa buong daigdig,sinabayan pa ng maramihang pagputol ng puno at pagtambak ng basura, sumusubra ang Carbon dioxide at iba pang greenhouse gas sa hangin at kalawakan na siyang nagpabilis ng global warming.
Ang global warming o pag-init ng mundo ang sinisisi sa pagbabago ng klima.
Kaya naman ang panawagan ni Ms. Limpiada sa mga estudyante at maging sa kanilang mga guro ay ang palagiang paglahok sa malawakang pagtatanim ng puno.
Ani Limpiada, ang isang ektarya ng kagubatan ay may kakayahang sumisip ng isang toneladang karbon na humahalo sa hangin.
Sa Isang ektarya na siksik sa punong Gmelina, walong toneladang carbon, anya, ang kayang masipsip kada taon.
Kapag sinabayan ng pagtitipid sa paggamit ng apliances at maayos na pangangasiwa ng basura ang pagtatanim at pangangalaga ng mga puno at bakawan, naniniwala si Ms. Limpiada na malaki ang maitutulong sa pagbawas ng pag-init ng mundo at maantala ang pagbabago ng klima.
Nitong Biernes, sangkatutak na puno at bakawan ang itinanim ng mga mag-aaral, sundalo, mga pulis, mga kawani ng gobyerno at iba pang miyembro ng samahang makalikasan at pribadong sektor sa may anim na rehiyon sa Mindanao.
Ito ang tinawag na TreeVolution na ang hangaring makapagtanim na mahigit sa apat at kalahating milyong puno sa isang oras.
Sa ulat ng TreeVolution sa Facebook account nito, dakong alas singko ng hapon kahapon, lumagpas na di umano ng tatlong milyon ang bilang ng mga naitanim na puno.
Pero hindi pa ito ang opisyal at huling bilang dahil nagpapatuloy ang bilangan habang isinusulat ang report na ito. (Lyndon Plantilla)
Mga etiketa:
climate change,
Climate Change Campus Tour,
DENR-Mimaropa,
Holy Infant Academy,
Minscat,
Nagbabagong Panahon,
OrMin,
pagtatanim ng puno,
PIA-Mimaropa,
Province of Oriental Mindoro,
tree planting,
TreeVolution
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento