QUEZON CITY, Setyembre 21, (PIA): Magtiwala at sumunod sa
bilin ng mga lokal na pamahalaan tuwing nagsusungit
ang panahon.
Ito ang mga magkakahiwalay ngunit nagkakaisang panawagan
nina Interior and local Government Secretary Mar Roxas, Executive Secretary
Jojo Ochoa at National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Alexander Pama sa mga mamamayan bago pa
man pagtulungan bayuhin ng Bagyong Mario at ng hanging habagat ang halos buong
Luzon.
Isa na rito ang paglikas sa mga ligtas na lugar o evacuation center kung ang tinitirahan ay mababa o madaling bahain.
Sa Mimaropa, naka-alerto ang mga ahensiyang kabilang sa
Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, mga Provincial
Disaster Risk Reduction and Management Council at mga katulad nitong mga organisasyon gaya ng
City Disaster Risk Reduction and Management Office at Municipal Disaster Risk
Reduction and Management Office sa posibleng epekto ng habagat sa rehiyon.
Agad naglabas ng mga babala ang mga substation ng Coast
Guard District Southern Luzon at Coast Guard District – Palawan sa mga
sasakyan-dagat, maliit man o malaki matapos makakuha ng abiso mmula sa
Pagasa-DOST.
Naka-antabay naman ang mga tauhan ng Philippine National
Police (PNP-Mimaropa) sa lahat ng police provincial offices at Bureau of Fire
Protection (BFP-Mimaropa) sa posibleng suportang kakailanganin ng mga lokal na
pamahalaan.
Nakababad naman pagbabantay ang Department of Health –
Mimaropa samantalang naghanda sa pagpoposisyon ng mga relief supply ang
Department of Social Welfare and Development para sa mga lugar at islang
malalayo at mahirap mapuntahan.
Binuhay naman ng Department of Public Works and Highways –
Mimaropa ang kanilang mga Motor Vehicle User Charge teams at maintenance crew
para sumugod at magkumpuni ng mga masisirang kalsada at mababarahang lansangan.
Tulad ng Coast Guard, PNP at BFP, ang Red Cross ng Calapan
at ang 4th Infantry Battalion ng Philippine Army ay naghanda ng mga emergency - rescue unit
para sumagip ng mga taong masusugatan, maiipit sa kanilang binahang bahay at
ibang suportang kakailanganin ng mga lokal na pamahalaan.
Tuloy-tuloy naman ang pagdaloy ng impormasyon mula sa Office
of Civil Defense – Mimaropa (OCD-Mimaropa) na walang tigil na nakikipag-ugnayan
sa mga lokal na pamahalaan at pang-rehiyong ahensiya.
At sa abot ng kanilang makakaya, sinikap ng Philippine
Information Agency – Mimaropa makatulong sa paghahatid ng mga impormasyong
galing sa OCD-Mimaropa, mga substation ng Coast Guard District Southern Tagalog
at Coast Guard District Palawan at mga lokal na pamahalaan ng Romblon at
Marinduque.
Kasama ng PIA-Mimaropa ang ilang mga kasamahan sa Philippine Broadcasting Service-Radyo ng Bayan, People's Television Network-4 at mga kaibigan sa iba pang media organization sa paghahatid ng mga balitang nangyayari sa rehiyon habang binubuhusan ng ulan ng habagat. (Lyndon Plantilla)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento