ORIENTAL MINDORO, Setyembre 19 (PIA): Bagamat walang babala ng bagyo sa Mimaropa, hindi pa rin nakaligtas sa mga malalakas na ulan ang ilang mga lalawigan ng rehiyon.
Ayon sa Pagasa-DOST, nahahatak ng bagyong Mario ang umiiral na Hanging Habagat pa kanluran kaya inulan at naapektuhang pagbyaheng pandagat sa mga lalawigan ng Mindoro, Marinduque at ilang bahagi ng hilagang Palawan.
Kaya naman agad nagdesisyon ang mga awtoridad sa mga pantalan at ang iba't ibang istasyon ng Coast Guard District Southern Tagalog at Philippine Coast Guard (PCG) - Palawan na suspindihin ang mga byahe sa kanilang nasasakupan.
Sa Batangas Port, inulat ng Philippine Coast Guard (PCG)- Batangas at PCG-Abra De Ilog na nasuspinde ang mga byaheng papunta at pabalik ng Calapan City Port (Oriental Mindoro) at Abra De Ilog (Occidental Mindoro).
Pero bago nasuspinde ang lahat ng byahe papuntang Batangas, nakapalaot pa ang isang barko ng Montenegro Lines kaninang umaga dakong alas otso y media.
Sa area ng PCG-Caminadawit sa Sa San Jose, Occidental Mindoro, kinansela nila ang lahat ng kanilang byahe.
Masamang panahon din ang dahilan kaya walang nagbyaheng maliliit na sea-vessel at motorbanca sa Romblon, Romblon ayon sa PCG-Romblon.
Mahina man ang ulan sa dako ng Coron, Palawan, sinabi ng PCG-Coron na walang pinayagang pumalaot dahil sa paglakas ng hangin at alon sa karagatan.
Medyo lumaki ang mga alon sa karagatang nasasaklaw ng PCG-Dalahican sa Lucena kaya nasuspinde rin ang mga byahe don.
Suspindido rin ang mga byahe mula sa mga pantalan ng Banalacan at Cawit papuntang Dalahican batay na rin sa Sitrep 1 at Sitrep 2 ng Office of Civil Defense-Mimaropa. (LP)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento