Sabado, Setyembre 20, 2014

Mimaropa balik sigla matapos paulanan ng Habagat

QUEZON CITY, Setyembre 21, (PIA):  Mas maganda na ang kalagayan ng panahon ngayon sa Mimaropa kumpara noong mga nakaraang araw na maulan dahil sa Hanging Habagat.

Paminsan-minsan nagiging maulap ang papawirin, ngunit sapat ang lakas ng haring araw para pagpawisan at magpaypay ang mga tao tulad sa Calapan City Port (Oriental Mindoro) kahapon.

Kaya naman nanumbalik na ang mga papunta at pabalik na mga byahe (mga nasuspinde dahil sa sama ng panahon) sa Mimaropa tulad ng Calapan-Batangas; Banalacan (Mogpog, Marinduque) – Dalahican (Lucena City); Abra De Ilog (Occidental Mindoro) – Batangas; Odiongan (Romblon) – Batangas at Romblon (Romblon)- Batangas.

Noong kalakasan ng ulan nitong Biernes, iniulat ng Coast Guard District Southern Tagalog na may 1,168 na pasahero ang nanatili sa mga pantalan ng Romblon (Romblon), Calapan (Calapan City, Oriental Mindoro) at Mamburao (Occidental Mindoro).

Naistranded din ang may 86 na rolling cargoes, 11 sea vessels at walong banking de motor sa mga nasabing pantalan.

Dahil nga bumalik na ang mga byahe kasunod ng pagbuti ng panahon, malamang nakaalis na rin sa mga pantalan ang lahat na naistanded.

Sa ulat ng Office Civil Defense-Mimaropa, tila mas maraming ibinuhos na ulan ang habagat sa Occidental Mindoro para bahain ang ilang mga barangay sa mga bayan ng Calintaan, Magsaysay, Paluan, Sta. Cruz, Maburao at San Jose kumpara sa iba pang lalawigan.

May naiulat na pagbaha ring naganap sa  mga barangay ng Taclobo at  Poblacion San Fernando, Romblon.

Pero inaasahang bumaba na tubig sa mga lugar na binaha; madadaanan na rin ang mga spillway ng Pola sa Sta. Cruz at ang Anahawin at Villabeck sa Calintaan na pare-parehong umapaw noong kasagsagan ng ulan ayon sa Department of Public Works and Highways – Mimaropa.

Pero sa mga bayan ng Occidental Mindoro, ang mga bayan ng Calintaan at Magsaysay ang mayroong mga inilikas na 1,294 na pamilya sa walong evacuation center.

Tatlong bahay naman sa Calintaan ang naiulat na nasira samantalang ang Rizal ay nag-ulat na may mayroong isang bahagyang nadisgrasya ng pag-ulan sa kanilang bayan.

Patay-sindi rin ang kuryente sa Calintaan magmula noong Biernes ng umaga ngunit naiwasto naman pagsapit ng hapon.


Lahat ng mga evacuees at mga naistanded sa mga pantalan ay inaasikaso ng mga kawani ng mga social welfare and development office, mga municipal disaster risk reduction and management council, coast guard at iba pang mga awtoridad gaya ng Philippine Ports Authority. (Lyndon Plantilla)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento