Huwebes, Nobyembre 9, 2017

Bagyong Salome, magdamag pauulanan ang Batangas, Marinduque at Mindoro


Makikita sa video grab mula sa ika-8 ng gabi update ng DOST-Pagasa si Weather Specialist Nikon Penaranda na itinuturo ng mga lugar na posibleng maapektuhan ng Bagyong Salome. 

Pinaiiral na ang  Tropical Cyclone Warning Signal No. 1 sa Bulacan,  Pampanga, Katimugan Zambales at Bataan.

“Malapit na kasi itong bagyo (Bagyong Salome), kaya nasama na rin yung mga lalawigan sa Central Luzon,”’ ayon kay Pagasa Weather Specialist Nikos Penaranda sa kanyang update kaninang ika-8 ng gabi.

Kaninang ika-pito ng gabi, naiulat ng DOST-Pagasa na ang mata ng bagyong Salome ay nakaraan ng San Juan, Batangas .

“Dumaan (ang bagyo) sa dako ng Lamon Bay, silangan ng Lucena at kasalukuyang binabaybay ang Batangas,”sabi ni Penaranda.

Mahalagang maunawaan ng publiko ang mga distansya ng babalang inilalabas ng DOST-Pagasa para makita na laging may pagkakataon para makapaghanda.


Bukod sa mga nabanggit na lalawigan sa Central Luzon, kasama pa rin sa Signal No. 1 ang Sorsogon, Masbate kasama ang mga isla ng Ticao at Burias, Romblon, Marinduque, Quezon, Laguna, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Metro Manila, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes at Albay.

Napanatili ng Bagyong Salome, ayon kay Penaranda, ang lakas ng hangin sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugso na hanggang 90 kilometro bawat oras.

Sinabi ni Penaranda na nagsisimula nang maramdaman ang pagbayo ng hangin at pagbugso ng ulan sa Metro Manila at karatig na katimugan Luzon ngayong gabi hanggang madaling araw.

“Para sa Southern Luzon…itong Batangas, Marinduque at Mindoro..doon po ang pinakamalalakas na hangin at pinakalalakas na ulan ng bagyo,” ani Penaranda.

Nakikita ng DOST –Pagasa na mabilis ang pagkilos ng  bagyong Salome: kanluran-hilagang-kanlurang direksyon sa bilis na 25 kilometro bawat oras.

“Kaya naman mabilis naman itong (Bagyong Salome)inaasahang lumabas ng kalupaan ng Luzon at bukas ng umaga ay nasa West Philippine Sea na,”sabi pa ni Penaranda.

Paalala ni Penaranda sa mga taga-Calabarzon, pag-ibayuhin ang pag-iingat dahil ang kanilang mga lugar ay maaring maapektuhan ng mga malakas na ulan at hangin ng bagyong Salome habang binabaybay nito ang dako ng Batangas at Cavite. #
Ika-9 ng Nobyembre, 2017

Para sa pinakahuling pagtaya ng Bagyong Salome, tinangnan ang DOST-Pagasa website o DOST_pagasa FB account (for the latest forecast on Tropical Depression Salome, check out the DOST-Pagasa website or DOST_pagasa FB account)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento