Biyernes, Nobyembre 17, 2017

Bagyong Tino, tatahakin na ang West Philippine Sea



Inihayag ng DOST-Pagasa na nakarating na ang  Bagyong Tino sa kanlurang baybayin ng Palawan  matapos tumama sa kalupaan sa hilagang bahagi ng lalawigan kaninang ika-5 ng hapon.

Ayon kay DOST-Pagasa Weather Specialist Sheilla Reyes, nakataas pa rin Tropical Cyclone Warning Signal No. 1  sa buong Palawan kaya inaasaahang bawal pumalaot ang lahat ng uri ng sasakyang pandagat.

"Mapanganib pumalaot sa may seaboards (baybayin) ng Palawan,"sabi ni Reyes.

Ang dahilan ay magkakaranas ang buong Palawan ng kalat-kalat na katamtaman hanggang sa napakalakas na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.

Ito rin ang batayan kaya pinapayuhan din ng mga awtoridad ang mga kababayan sa Palawan na maging alerto sa mga biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga mababa at bulubunduking lugar.

Namataan ng DOST-Pagasa ang mata ng bagyo kaninang ika-7 ng gabi sa layong 40 kilometro Hilagang Kanluran ng Puerto Princesa city taglay ang malakas na hanging aabot sa 55 kilometro bawat malapit sa gitna at pagbugso na hanggang 90 kilometro bawat oras. 

Makikita sa video grab si Pagasa Weather Specialist Sheilla Reyesna ipinapakita ang direksyon ng Bagyong Tino

Kung hindi magbabago ang bilis ng bagyo, 28 kilometro bawat oras pa-kanluran-hilagang-kanlurang direksyon, sinabi ni Reyes na maaring makalabas ang Bagyong Tino ng Philippine Area of Responsibility bukas ng umaga.

Samantala, makakaranas naman ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan at pagkulog-pagkidlat ang Mindoro, Marinduque, Romblon, Kabikulan at kabisayaan.#

17 Nobyembre 2017

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento