Huwebes, Nobyembre 9, 2017

Mga lalawigan sa Mimaropa, pinaghahandaan ang pagdaan ng Bagyong Salome


Pulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Marinduque para sa pagdaan ng Bagyong Salome. (Larawan ni ni  Erwin Monroyo Penafiel)
Dahil sa possibleng epekto ng pagdaan ng bagyong Salome, pinayuhan ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council –Mimaropa ang mga lokal na pamahalaan ng Mindoro, Marinduque at Romblon sa pamamagitan ng kani-kanilang mga disaster risk reduction and management office na magpatupad ng mga pre-emptive evacuation sa mga lugar na binabaha at posibleng pangyarihan ng landslide.

Ayon kay Office of Civil Defense Mimaropa Regional Director Eugene Cabrera, ang chairperson ng RDRRMC-Mimaropa,  hiniling din sa mga lokal na pamahalaan na pagbawalan pumalaot ang mga kababayang nangingisda at nagmamay-ari ng mga pribadong seacraft habang mayroong babala ng bagyo.

Mula sa OCD-Mimaropa

Ngayong nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal No. 1 sa dalawang  Mindoro, Marinduque at Palawan,  maraming biyahe sa Batangas papuntang Mindoro at Romblon at pabalik ang suspindido.
Gayundin sa Dalahican papuntang Marinduque at pabalik.

Sa kanilang ulat kaninang ika-1 ng hapon, iniulat ng OCD-Mimaropa na mayroong 247 na pasahero ang nananatilil sa mga pantalang nasasakupan ng Coast Guard Station (CGS) Oriental Mindoro (168), CGS Occidental Mindoro (65) at CGS Southern  Quezon (14).

Ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Romblon, Romblon ang unang nagpalabas ng memorandum na pagbabawal ng pangingisda at pagpalaot dahil sa Bagyong Salome.

Noong maitaas ang Signal Number 1, halos magkasunod ang Oriental Mindoro at Marinduque sa pagsuspinde ng klase mula pre-school hanggang high school.

Sa Occidental Mindoro, ang Mamburao ang nagsuspendi ng klase sa lahat ng level samantalang tanging mga nasa pre-school lamang ang walang pasok sa mga bayan ng Sablayan at San Jose.

Nakaantabay naman ang mga resource at asset ng mga regional office ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways, Police Regional Office–Mimaropa, Bureau of Fire Protection, Coast Guard District Southern Tagalog at Coast Guard District Palawan.

Magkatulong naman ang Department of Science and Technology-Mimaropa  at Office of Civil Defense-Mimaropa sa pagpapakalat ng mga update ng Bagyong Salome at  iba pang abiso sa mga DRRM office.


Ang mga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Oriental Mindoro at Marinduque, gayundin ang mga MDRRMC din ng Buenavista at Sta. Cruz ng Marinduque,  ay nagpulong na rin para talakayin ang mga hakbang bago at habang dumadaan ang Bagyong Salome. #

Ika-9 ng Nobyembre 2017

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento