LUNGSOD QUEZON, Ika-19 Disyembre (PIA) --- Handang tumanggap
ng tulong ang pamahalaan sa mga nagmamay-ari ng truck para madagdagan ang mga
maghahatid ng trapal at mga relief good para sa mga nabiktima ng bagyong Nona.
Ito ang naging panawagan ni Undersecretary Alexander Pama ng
National Disaster Risk Reduction and Management Council sa kanyang mga panayam.
Kabilang sa mga lalawigang pagdadalhan ay mga probinsya ng Mindoro,
Romblon at Marinduque.
Samantala, sinisikap ng mga awtoridad na maisaayos ang mga
kababayan sa Mimaropa matapos ang pagragasa ng Bagyong Nona.
Sa Sitrep No. 14 ng Office of Civil Defense-Mimaropa,
regular na ang operasyon ng mga pantalan sa rehiyon.
Ang kuryente ay naibalik na sa kalakhang Occidental Mindoro
gayundin sa ilang mga bayan ng Oriental Mindoro gaya ng Bongabong, Roxas,
Mansala, Bulalacao at Calapan City.
May kuryente na rin sa Gasan at Marinduque.
Nalinis at madadaanan ang lahat ng kalsada sa Marinduque at
Oriental Mindoro.
Nasa ilalim ng State of Calamity ang Oriental Mindoro at ang
Torrijos, Marinduque para may pondong magagamit sa rehabiltasyon sa mga binagyong
lugar.
Umabot sa 121,362 na
kataong (o 29, 261 na pamilya) na lumikas at kinalinga sa mga evacuation area.
(LP)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento