Miyerkules, Hunyo 20, 2018

Cabacao Nat’l HS, pagdarausan ng 2nd QTR RSED



EVACUATION. Kalmadong naglalakad papunta sa evacuation area ang mga estudyante ng Cabacao National High School ng Barangay Cabacao, Abra De Ilog, Occidental Mindoro habang nagtatakip ng ulo sa ginanap nilang earthquake drill nitong Pebrero. Sa ikalawang larawan makikitang nakaupo't nakapila ang isang grupo ng mga estudyante sa evacuation area. Hindi na kailangan magtakip ng ulo dahil kailangan isang open field o lugar na walang gusali, puno o poste. (Larawan mula sa Punto Mindoro)

Pangungunahan ng Barangay Cabacao at ng Cabacao National High School ng Abra De Ilog, Occidental Mindoro ang pagdaraos ng Regional Simultaneous Earthquake Drill ngayong Miyerkules, mamayang ika-22 ng hapon.

Ito ang kontribusyon ng Mimaropa sa mangyayaring National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong araw na ito sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Sa napagkasunduang scenario, lilindol nang may lakas na 7.8 Magnitude sa kanlurang bahagi ng bansa kabilang ang Mimaropa kung saan apektado ang bayan ng Abra De Ilog partikular ang barangay ng Cabacao bandang ika-anim ng umaga.

Ang scenario ay ang sitwasyong rerespondehan ng barangay, ng pamunuan ng paaralan at ng mga kalapit na ahensiya at samahan upang masukat ang kanilang kakayahan sa pagtulong at pagsagip.
Nilalayon din ng scenario na subukan ang mga hakbang o gagawing aksyon ngmga nasa barangay, paaraalan, kumunidad at iba pang sangay ng pamahalaan sa sandaling lumindol.

Sa scenario, makakatanggap ang ulat ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Abra De Ilog mula sa Barangay Chairperson.

Sa ulat, naapektuhan ng lindol ang barangay at ang highschool.

Bilang tugon, ipapadala ng Tanggapan ng Alkalde sa pamamagitan ng MDRRMO ang mga responders bitbit ang kanilang personal protective equipment (PPE).

Itatayo ng kinatawan ng DRRM ng highschool ang Incident Command Post sa paaralan at siya rin ang gaganap na Incident Commander (IC).

Ang IC ang magkakamada ng mga gawain sa responde; siya rin ang mag-uulat hinggil sa ginagawang responde sa mga nakatataas na opisyal o responsible authority (karaniwan ang barangay, alkalde o gobernador).

Pagdating ng mga responde, magsisipag-report sila muna sa IC: ang IC naman ang magbibigay ng briefing hinggil sa sitwasyon sa lugar.

Batay sa paunang ulat ng IC, may 500 katao ang apektado.

Sa mga apektado, may 10 patay, 20 sugatan at may 3 batang natabunan ng guho.

Pagkatapos ng briefing, magsisikilos na ang mga responder: ang medical team ay magtatayo ng triage at treatment area samantalang maghahanap na ang search and rescue team.

Ang mga makukuhang sugatan ay dadalhin sa Triage para malaman kung alin sa kanila ang higit na nangangailangan ng atensyon .

Bibigyan ng First Aid o Gagamutin naman sa Treatment Area ang mga nasuri sa Triage.
Yung mga malala ang kondisyon ay ipapadala sa pinakamalapit na ospital.
Batay sa scenario, sampu ang kailangan ipa-ospital.

Samantala, ang mangangasiwa sa mga mababawing bangkay ay ang kinatawan o opsiyal ng Department of the Interior and Local Government o kaya ay Municipal Local Government Operations Officer.

Kung walang pagyanig, pupuntahan naman ng municipal o barangay RDANA (rapid damage and needs assessment) team para alamin ang pangangailangan ng mga nakaligtas ng lindol .
Mayroong mga pamilya ang kailangan dalhin sa evacuation area dahil sa posibleng panganib sa kanilang bahay.

Pagkatapos, lalakad naman ang Municipal Engineer kasama ang iba pang miyembro ng RDANA para alamin ang katayuan ng mga gusali ng Cabacao National High School at ng mga kabahayan malapit sa paaralan.

Sa sandaling masuring ligtas ang mga gusali at kabahayan, saka lang papayagan makabalik doon ang mga survivor.

Pagkatapos ng  drill sa Cabacao, may mga kinatawan ng Office of Civil Defense – Mimaropa at iba pang mga kinatawan ng mga ahensiyang kasama sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ang magbibigay ng kanilang mga obserbasyon para mapabuti pa ng mga kalahok sa drill ang kalidad ng kanilang pagresponde at pagkilos sa sandaling mangyari ang isang totoong lindol sa kanilang barangay at paaralan.

  


EVACUATION AREA. Sa ikalawang larawan makikitang nakaupo't nakapila ang isang grupo ng mga estudyante sa evacuation area. Hindi na kailangan magtakip ng ulo dahil kailangan isang open field o lugar na walang gusali, puno o poste. (Larawan mula sa Punto Mindoro)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento