Linggo, Hunyo 17, 2018
DOST-Pagasa: Kanluran at Hilagang bahagi ng Luzon, apektado pa rin ng Habagat
Maalong Karagatan. Namumula ang bahagi ng kanluran at hilagang Luzon dahil sa nakataas ang gale warning ng DOST Pagasa sa mga nasabing lugar. Pinapayuhan ni DOST Pagasa Weather Specialist Obet Badrina (nasa larawan) ang mga mangingisda at iba pang mandaragat na gamit ang mga maliit na sasakyang pandagat na iwasang muna ang mga baybayin ng Batanes, Calayan at Babuyan group of Islands, hilagang baybayin ng Cagayan, Ilocos provinces, La Union at Pangasinan dahil mapanganib ang mga malalaking alon sa lugar. (larawan mula sa DOST Pagasa)
Umaasa ang DOST Pagasa na magiging mas maganda ang panahon sa bansa sa mga darating na araw.
Pero sa ngayon, magtitiis muna ng kaunti ang mga kababayan dahil umiiral pa rin ang Habagat sa bansa.
"Southwest monsoon parin o hanging Habagat ang patuloy na nakakaapekto sa kanlurang bahagi ng bansa partikular sa Ilocos Region, kaya asahan pa rin na magiging maulap ang kalangitan sa malaking bahagi ng Ilocos Region, Cordillera, sa Batanes kasama ang Kamaynilaan, Bataan at Zambales," paliwanag ni Obet Badrina, weather specialist ng DOST-Pagasa.
Posibleng makaranas ang mga nasabing lugar na mahina hanggang katamtamang pag-ulan.
Sa ibang bahagi ng Luzon, Kabisayaan at Kamindanawan, sinabi ni Badrina na inaasahan nilang magiging maaliwalas ang panahon na may pulu-pulung pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Samantala, pinapayuhan ni Badrina ang mga mangingisda at iba pang mandaragat na gumagamit ng maliliit na sasakyang pandagat na iwasang munang pumalaot sa mga baybayin ng Batanes, Calayan at Babuyan group of Islands, hilagang baybayin ng Cagayan, Ilocos provinces, La Union at Pangasinan.
Nakataas sa mga nasabing lugar ang Gale Warning o Babala ng maalong baybayin ng DOST Pagasa.
"Malakas pa rin ang pag-alon ng karagatan dulot pa rin ng Southwest Monsoon o Habagat," sabi ni Badrina.
Ang taas ng alon ay tinatayang aabot sa pagitan ng kulang-kulang na tatlo hanggang apat at kalahating metro.
Hinikayat din ni Badrina ang iba pang mandaragat na maging maingat sa iba pang baybaying dagat kung saan makakaranas ng katamtaman hanggang maalong karagatan.
Mga etiketa:
#DOST Pagasa,
#EmpoweringCommunities,
#Habagat,
#Southwest Monsson
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento