Linggo, Hunyo 17, 2018

NDRRMC: Kanlurang bahagi ng Luzon, maaring maapektuhan ng pagpapaulan ng Habagat


Isang larawan na kinunan ng Sattelite; makikita ang pulang linya na sumasagisag sa Philippine Area of Responsibility (PAR) na nakapaligid sa Pilipinas. (larawan mula sa DOST-Pagasa)


Nagbabala muli nitong Linggo ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa pagpapaulan ng Habagat sa kanlurang bahagi ng Luzon.

Dahil dito, pinapayuhan ng NDRRMC ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang mga disaster risk reduction and management office para maghanda sa posibleng pagbaha  at pagguho ng lupa sa mga bahain at bulubunduking lugar.

Ang mga ulang dala ng Habagat ay mahina, nagiging katamtaman hanggang sa napakalakas bagamat paputol-putol ang pagbuhos. 

Makakaranas ang Ilocos Region ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan at pagkulog at pagkidlat.

Dahil dito, ang mga ilog at sangay na maaring maapektuhan ay ang mga sumusunod:Balincugin at Alaminos (Pangasinan);  Lower Abra, Silay-Sta. Maria at Buaya (Ilocos Sur); Amburayan, Bararo,  Lower Bauang at Arigay (La Union); Bulu, Banban, Bacarra-Vintar, Laoag at Quiaoit (Ilocos Norte).
Ang Gitnang Luzon naman ay makakaranas naman ng katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.

Ang maaring maapektuhan na ilog at sangay sa Gitnang Luzon ay ang mga sumusunod: Balanga at Moron (Bataan); at Panatawan, Sto. Tomas, Bucau, Bancul at Lawis (Zambales).

At ang Cordillera Administrative Region (CAR) naman ay makakaranas ng mahina hanggang katamtaman na may paminsan-minsang pag-kulog-pagkidlat.

Dahil dito ang mga maaring maapektuhang ilog at sangay sa rehiyon ay ang mga sumusunod: Upper Bauang (Benguet); Upper Abulug (Apayao); Upper Abra, Tineg at Ikmin (Abra); lahat ng ilog at sangay sa Mountain Province.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento