Biyernes, Hunyo 1, 2018

NDRRMC: publiko, PDRRMOs pinababantayan ang mga LPA sa Palawan, PHL Sea




LPA sa PHL Sea. Inihayag ni DOST Pagasa Weather Specialist Reyes na maaring maging bagyo ang LPA sa may Philippine Sea sa mga darating na araw. (Videograb mula sa DOST-Pagasa)

Pinayuhan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang publiko at ang mga disaster risk reduction and management offices (DRRMO)sa Palawan na ipagpatuloy ang monitoring at paghahanda sa posibleng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa bunga ng Low Pressure Area (LPA) na umiiral sa buong lalawigan ngayon.

Tinataya ng DOST-Pagasa na magpapadudulot ang LPA ng kalat-kalat na katamtamang hanggang sa paminsan-minsang malalakas na pag-ulan at kulog-kidlat sa Palawan.

Huling namataan ang LPA sa West Philippine Sea sa layong 325 kilometro kanluran ng Puerto Princesa City kaninang ika-10 ng umaga at tinatayang lalakas at magiging isang bagyo o tropical depression sa loob ng 48 oras.

Samantala, ang LPA naman sa may Philippine Sea ay tinatayang nasa layong 680 kilometro Silangan-Timog-Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Tulad ng LPA sa West Philippine Sea, tinataya rin ng DOST-Pagasa na magiging bagyo o tropical depression ang LPA sa may Philippine Sea sa loob ng 48 - 72 oras.

Samantala, sinabi ng DOST-Pagasa na ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ay magpapadala ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa silangan at kanlurang kabisayaan partikular sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, ARMM at Soccsksargen.

Pinapayuhan ng DOST-Pagasa ang mga residente sa lugar na makipag-ugnayan sa kanilang DRRMO para paghandaan ang epekto ng mga biglaang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng ITCZ. #

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento