Biyernes, Hunyo 15, 2018

Shallow low pressure area, binabantayan ng DOST Pagasa



DALAWANG WEATHER SYSTEM.  Ipinapakita ni Rene Quitlong ng DOST Pagasa ang shallow low pressure area (gawing kaliwa) at ang Bagyong Ester (kanan). Hahatakin ng dalawa ang Habagat at magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa. (Videograb mula sa DOST-Pagasa)


Dalawang dahilan kung bakit kailangan pa ring mag-ingat ang mga kababayan sa Habagat : ang papalayong Bagyong Ester at ang shallow low pressure area sa katimugan ng Tsina.

Bagamat parehong nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), hinahatak ng dalawang weather system ang Habagat na siyang magpapaulan sa ilang mga bahagi ng bansa, ayon kay Rene Quitlong ng DOST Pagasa.

“Ang magandang balita,” ayon kay Quitlong, “Hindi nila nakikitang papasok sa Philippine Area of Responsibility ang shallow  low pressure area bagamat may posibilidad na maging isang bagyo.”

Kabilang sa mga mauulanan dulot ng Habagat ay ang Ilocos region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Pampanga, Tarlac, Bataan, Batanes at Babuyan group of Island.

“Ang Metro Manila, ang nalalabing bahagi ng Gitnang Luzon, kasama ang Calabarzon at probinsyang Marinduque province ay naapektuhan ng Habagat. Ngunit ngayon, mahina hanggang katamtamang pag-ulan, pagkulog-pagkidlat ang mararanasan,” sabi ni Quitlong.

Samantala, ang Cagayan Valley, ang Kabikulan at ang Palawan ay makakaranas ngayonng bahagyang maulap hanggang sa maulap na maaring makaranas ng pulo-pulong pagkulog at pagkidlat.

Dahil naman sa paglakas ng Habagat, sinabi ni Quitlong na nakataas pa rin ang Gale Warning o babala sa pagtaas ng alon sa mga baybaying dagat   ng mga sumusunod na lalawigan: Batanes, Babuyan Group of Islands, Hilaga’t Silangang baybayin ng Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Isabela,  Pangasinan, Zambales at Bataan.

Uulanin din ang mga nasabing baybaying dagat dala ng Habagat; ang mga ito ay maaring maging maalon hanggang sa napakaalon.

Maaring umabot hanggang apat at kalahating metro ang mga alon doon.

Kapag may gale warning, pinapayuhan ng DOST Pagasa at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga kababayang na ipapaliban ang pagpalaot sa mga nasabing lugar.
Ang nalalabing baybabayin dagat ng bansa naman ay maaring maging katamtaman hanggang sa maalon.

“Ibayong pag-iingat pa rin (sa mga baybaying hindi pinaiiral ang gale warning) dahil sa mga alon ay nabanggit na baybayin ay maaring umabot hanggang tatlong metro ang taas,” dagdag pa ni Quitlong.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento