Biyernes, Hunyo 8, 2018

Bagyong Domeng lumakas pa, pag-iibayuhin ang Habagat





Ulan hanggan Linggo.  Ipinapakita ni DOST Pagasa Senior Weather Specialist Chris Perez ang ruta ng Bagyong Domeng na lumakas at naging tropical storm  sa press briefing kanina. Hahatakin ng Bagyong Domeng ang Habagat na siyang magpapaulan sa kanluran at silangang bahagi ng Luzon sa kanlurang bahagi ng kabisayaan simula ngayon hanggang sa susunod na dalawang araw. (larawan mula sa DOST-Pagasa)

Pinang-iingat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng DOST Pagasa ang mga kababayan sa Aurora, Bataan, Mimaropa, Calabarzon , Kabikulan at Kanlurang Kabisayaan sa biglaang pagbaha at pagguho ng lupa bunga ng paglakas ng Bagyong Domeng at paghatak nito sa Habagat.

Ayon kay DOST-Pagasa Senior Weather Specialist Chris Perez, ang habagat ang nagpapaulan sa Luzon at sa kanlurang kabisayaan sa nakaraan at paparating na mga araw.

Bago magtanghali sa Linggo inaasahan ng DOST Pagasa ang paglabas ng bagyo sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo.

Kaninang ika-10 ng umaga,  ang mata ng bagyong Domeng ay tinatayang nasa layong  655 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Taglay ni Domeng ang lakas ng hangin na 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso nang hanggang 80 kilometro kada oras.

Tinatayang kikilos ang bagyong Domeng pa-hilaga-hilagang silangan sa bilis na 17 kilometro kada oras.

Sinabi din ng DOST Pagasa na hindi mag-lalandfall o tatama ang bagyo sa lupa.

May epekto rin sa karagatan ang Bagyong Domeng at ang Habagat.

“Bagamat napakalayo ng bagyo sa ating kalupaan, yung pinag-ibayong habagat ay magdudulot ng maalon hanggang napakaalong karagatan sa kanluran at silangang bahagi ng Luzon ganun sa kanlurang bahagi ng Kabisayaan,” babala ni Perez.

Dahil dito, pinapayuhan ng DOST Pagasa ang mga mangingisda at mga nagmamay-ari ng mga maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot ngayon at hanggang sa darating na araw ng Linggo.

Pinag-iingat din ng mga awtoridad ang mga nagpapatakbo ng mga malalaking barko sa mga dambuhalang alon.

Kabilang sa mga iwasan ay ang mga baybayin ng mga  lalawigan ng Camarines,Catanduanes, mga silangang baybayin ng Albay at ng Quezon kabilang  ang isla ng Polilio at ang mga baybayin ng Northern Samar at Samar (Silangan) alinsunod sa ipinalabas na Gale Warning o babala sa hanging hagunot (ulat ng DOST Pagasa) ng NDRRMC.

Ang hanging hagunot (gale) ay hindi pangkaraniwang hangin na may lakas na 62 – 72 kilometro kada oras.

Ang mga binanggit na baybayin ay makakaranas ng maulap na papawirin na may katamtamang hanggang sa manaka-nakang pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.

Tinatayang aabot sa pagitan ng 45 hanggang 63 kilometro kada oras ang lakas ng hangin samantalang maaring umabot nang hanggang 4 at kalahating metro ang taas ng alon.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento