Biyernes, Hunyo 15, 2018

Ulang dala ng Habagat, maaring makaapekto sa ilang ilog sa Hilaga’t Gitnang Luzon




GALE WARNING NGAYON.  Ipinapaliwanag ni G. Quitlong ang mga baybaying dagat kung saan mataas ang pag-alon dala ng pag-iral ng Habagat. Nakataas ang Gale Warning o babala sa pagtaas ng alon sa mga baybaying dagat   ng mga sumusunod na lalawigan: Batanes, Babuyan Group of Islands, Hilaga’t Silangang baybayin ng Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Isabela,  Pangasinan, Zambales at Bataan.(Videograb mula sa DOST-Pagasa)



Dahil sa mga pag-ulan dulot ng Habagat (Southwest Monsoon) na inaasahan ng DOST Pagasa sa ilang bahagi ng Hilaga at Gitnang Luzon, nagpalabas ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng flood advisory sa mga ilog at mga sangay nito Sabado ng umaga.

Nilalayon ng flood advisory na hikayatin ang mga kababayang naninirahan sa mga mababa at bulubunduking lugar na makipag-ugnayan sa kanilang mga disaster risk reduction and management office (DRRMO)  at maghanda sa posibleng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.

 Sa Ilocos Region, ang mga ilog at sangay na maaring maapektuhan ng katamtaman hanggan sa manaka-nakang malakas na pagbuhos ng ulan ay ang mga sumusunod:

Balincugin at Alaminos (Pangasinan);  Lower Abra, Silay-Sta. Maria at Buaya (Ilocos Sur); Amburayan, Bararo,  Lower Bauang at Arigay (La Union); Bulu, Banban, Bacarra-Vintar, Laoag at Quiaoit (Ilocos Norte).

Sa Gitnang Luzon, mararanasan din ang katamtaman hanggang sa manaka-nakang malakas na pag-ulan  sa mga sumusunod: Balanga at Moron (Bataan); at Panatawan, Sto. Tomas, Bucau, Bancul at Lawis (Zambales).

At  ang Cordillera Administrative Region (CAR) ay makakaranas ng katamtaman hanggang sa manaka-nakang malakas na pagbuhos ng ulan, pagkulog-pagkidlat: Upper Bauang (Benguet); Upper Abulug (Apayao); Upper Abra, Tineg at Ikmin (Abra); lahat ng ilog at sangay sa Ifugao, Mountain Province at  Kalinga.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento