Lunes, Hunyo 11, 2018

DOST-Pagasa: uulanin pa rin ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan


 NDRRMC Meeting. Kumukumpas si DOST Pagasa Weather Division  Esperanza habang nagpapaliwanag sa isang pulong ng NDRRMC kamaikalan. Katabi ni Dr. Cayanan sa kanan si Assistant Secretary Toby Purisima ng Office of Civil Defense. (Lyndon Plantilla)


Kung makikiisa sa pambansang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan,  sa Luneta man o ibang lugar, magbaon ng payong, bota  at samahan ng bitamina dahil bukas ay uulan pa rin.

Sa ipinalabas ng DOST-Pagasa ng Special Weather Outlook para sa Independence Day Celebration, inihayag ni Weather Division Chief Esperanza Cayanan na magpapaulan pa rin ang Habagat sa kanlurang bahagi ng Luzon at ng Kabisayaan sa linggong ito.

Pinag-iingat ng DOST Pagasa ang mga kababayan sa  Bataan, Zambales, Pangasinan, Benguet at sa Ilokos dahil sa madalas na pag-ulan na maaring magdulot nang  pagbaha at pagguho ng lupa sa mga mababa at bulubunduking lugar.

Maulap na papawirin na may paminsan-minsan na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat ang inaasahan ng weather bureau na mararanasan sa nalalabing bahagi ng kanlurang Luzon kabilang ang Metro Manila at Kabisayaan.

Ang natitirang bahagi naman ng Luzon, Kabisayaan at buong Kamindanawan ay makakaranas ng maulap na papawirin na may pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa umaga o kaya sa hapon.

Katamtaman hanggang sa malakas na  hangin mula sa Timog-Kanluran ang iiral sa buong Luzon at ang mga baybayin ay magiging katamtaman hanggang sa napaka-alon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento